RIZAL – Apat katao na itinuturing na high value individuals (HVIs) ang nadakip ng mga tauhan ng Rodriguez Municipal Police Station sa isinagawang buy-bust operation dakong alas-4:20 ng madaling araw nitong Mayo 20, 2025 sa Barangay San Rafael, sa bayan ng Rodriguez sa lalawigan.
Ayon sa ulat na natanggap ni PCol. Felipe Maraggun, director ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO), ang nasabing operasyon ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Kinilala ni Maraggun ang mga suspek na sina alyas “Negro”, 29; “Rose”, 28; “Junior”, 22; at “Enan”, 46-anyos.
Samantalang nakatakas naman at pinaghahanap ng mga awtoridad si alyas “James,” sangkot din umano sa bentahan ng ilegal na droga.
Nakumpiska sa mga ito ang limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets, at isang knot-tied plastic cellophane na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 116 gramo at tinatayang P788,800 ang halaga batay sa standard drug price.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Rodriguez MPS ang mga suspek para sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(NEP CASTILLO)
