RAPIDO ni PATRICK TULFO
SANG-AYON ako sa sinabi ng Kontra Daya na naaabuso na ang pagkakaroon ng party-list sa bansa, patunay rito ang pagsulputan ng napakaraming party-lists.
Katunayan, napakaraming nag-file ng application sa COMELEC para tumakbo bilang kinatawan ng isang sektor sa lipunan sa pamamagitan ng party-list.
Pero kung titingnang mabuti, wala naman silang direktang kinakatawan, hindi tulad ng mga kongresista ng bayan o lungsod.
Isa na nga itong anak ni Pork Barrel Queen Janet Lim-Napoles na tumatakbong kongresista sa ilalim ng Kaunlad Pinoy Party-list.
Nag-research tayo kung ano ang kinakatawan nitong party-list na ito at napag-alaman nating inirerepresenta raw nito ang mga sari-sari store, magtataho at kung ano-anong maliliit na mga negosyo.
Parang mapapataas ang kilay mo kung ano ang alam ng anak ni Napoles sa larangan ng maliliit na mga negosyante. Sa pagkakaalam ko ay malalaking kilalang brand ng damit ang negosyo nito na may opisina sa BGC.
High end brands ang hawak na negosyo nitong si Napoles, kaya ano ang magiging papel niya sa maliliit na mga negosyante na gusto niyang irepresenta?
Isa sa mga nais ko sanang makita ay ang party-list na kumakatawan sa kababayan nating mga Aeta, ang mga tinatawag nating “minority”, sila ang dapat na may kinatawan sa Kongreso upang matulungan silang umunlad.
Kabilang ang 4Ps at ACT CIS sa nangungunang mga party-list sa bansa na alam natin na maraming ambag sa mamamayan pagdating sa larangan ng kabuhayan.
