BISTADOR ni RUDY SIM
KUNG usad-pagong ang isang tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa ginagawa nilang pag-iimbestiga sa deportation case ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na may kaugnayan kung tunay o huwad ang kanyang Filipino citizenship, ay tila isang bula na naglaho at nanlamig na ito, parang kayo ng jowa mo na wala nang paramdam.
Matatandaang naunang iniharap sa media ng Board of Special Inquiry ng BI si Shiela Guo o Zhang Mier noong October 4 ng nakaraang taon at kasunod naman nito si Alice Guo o Guo Hua Ping noong November 15.
Sa naturang pagdinig ay iginiit ng BI na mayroon silang matibay na ebidensya na magdidiin sa magkapatid na Guo base na rin sa resulta ng comparative fingerprint analysis, na dinaya ng mga ito ang kanilang dokumento upang mabigyan ng Filipino citizenship.
Ang pagtakas ng magkapatid na Guo ay naging kontrobersyal sa bansa, patunay na hindi imposibleng mangyari basta’t ikaw ay may pera na pangtapal sa pagmumukha ng hinayupak na tiwaling mga tauhan ng BI.
Ang pagpapabalik sa bansa ng Indonesian authorities kina Shiela at Alice ay nabalewala at walang napanagot kung sino ang tumulong sa kanilang pagtakas.
Hanggang sa nito lamang ay nakapagtatakang muling nagsagawa si Senator Risa Hontiveros ng Senate inquiry, kung saan ay present ang “lover boy” na Kume ng BI na si Joel Viado, na itinangging walang nangyaring may kasabwat ang magkapatid na Guo sa kanilang pagtakas at may involved na BI personnel. Weh, ‘di nga?? Bakit hindi ninyo inimbestigahan ang napabalitang bago pa man mawala si Alice Guo sa bansa ay namataan di-umano itong inihatid pa sa departure area ng anak ni Lito Lapid na si Maam na chief ng Immigration, sa Clark airport?
Kung para sa bayan ang ginawang imbestigasyon ni Hontiveros sa kaso nina Guo ay bakit hindi nito inungkat kung ano na ang nangyari sa ginawang imbestigasyon ng BSI-BI sa deportation case ng mga ito? Mayroon kayang itinatago si Hontiveros o ito’y isang palabas lamang para makita ng taumbayan na may ginagawa ang senadora?
Bakit itinatago ng BI ang katotohanan sa isyu ng deportation case ni Alice Guo? May resolution na ba o pinalalamig lang ang isyu dahil may nagkamal muli ng salapi para patahimikin ng mga Guo ang tiwaling mga opisyales ng BI?
Buweno, nabangga din lang ang BSI, atin ding bigyan ng daan ang ilang sumbong sa atin diyan hinggil sa dual citizenship, at maging sa recognition na nasa kanilang tanggapan. Bakit tila pinahihirapan pa ng tanggapan na ito ang ating mga kababayan sa kanilang pag-apply ng dual citizenship at recognition sa mga anak ng Pilipino na halos pabalik-balik at ang nakauumay umanong sagot sa kanila ay “for review” ang kanilang papel… style n’yo bulok! Magbago na kayo!
Samantala, Sinibak na ni Kume Viado itong engot na deputa warden ng detention center na agad pumirma sa katawa-tawang katwiran ng mga tauhan ng BI na responsable sa pagpapatakas sa Korean fugitive, pero bakit hindi mo sinibak, Kume, ang bata mo na warden na gigil sa pag-escort ng deportee sa Japan, kahit ito’y hindi niya trabaho! Bakit hindi ninyo mapatigil ang negosyo ng mga bata mo, Kume Viado, sa ice room na pinarerentahan sa mayayamang inmates? Magkano?
Para sa inyong reaksyon at sumbong, maaaring i-text ako sa 09158888410.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
