NANALO sa isinagawang special election ng Commission on Elections (Comelec) si Philip Conrad Acop, anak ng namayapang Romeo Acop, upang punan ang nabakanteng puwesto bilang kinatawan ng Antipolo City 2nd District.
Iprinoklama si Acop bilang bagong kongresista ng distrito matapos makapagtala ng landslide victory sa special election na ginanap noong Marso 14, 2026.
Sa panayam, nagpasalamat si Acop sa 60,051 botante na sumuporta sa kanyang kandidatura.
Nakakuha naman ng sumusunod na boto ang kanyang mga katunggali: Reden “Red” Llaga – 12,054; Irvin Paulo “Paui” Tapales – 10,080; Nathaniel “Atty. Nat” Lobigas – 754; Dandin “Dan” Infante – 412; at Maria Trinidad “Baby” Galang Cafirma – 199.
Sa kanyang victory speech, tiniyak ng bagong halal na kongresista na muling maririnig sa Kongreso ang boses ng mga residente ng distrito na dating kinakatawan ng kanyang ama.
“Sa mga lumabas kagabi at sumuporta, maraming salamat. Ngayong gabi meron na ulit boses ang distrito sa kongreso. At asahan po ninyo na baon ko ang inyong hirap at pangarap sa kongreso at hindi ko kayo papahiyain,” ani Acop.
Si Acop, kilala rin bilang “Dok Bong,” ay isang pediatrician at dating three-term city councilor ng Antipolo City na nanguna sa eleksyon noong 2016 at 2019.
Mahigpit niyang naging katunggali si Llaga na dati nang nabigong maging city councilor at natalo rin sa mayoralty race noong 2025 laban kay Casimiro Ynares III.
Sa Lunes, Marso 16, nakatakdang manumpa si Acop bilang bagong kongresista sa harap ni Ynares sa isang seremonya sa Antipolo City.
Ang special election ay isinagawa ng Comelec upang punan ang puwestong iniwan ng namayapang si Rep. Romeo Acop, na pumanaw noong Disyembre 20, 2025 matapos atakihin sa puso habang nagpapagaling sa kidney transplant.
(NEP CASTILLO)
96 