SWAK sa selda ang dalawang lasing na lalaki makaraan umanong tangkang gahasain ang dalawang dalaga sa Malabon City noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Ronald Cagata, 48, at Ronnie Porccadilla, 55, kapwa ng Flovi 8, Phase 6, Brgy. Tonsuya sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, bandang alas-10 ng gabi noong Huwebes, nang makita ng mga suspek ang magkaibigang sina Stephanie Grace Valentino, 18, at alyas Curacha habang nakatayo sa Flovi 8 at hinabol ng mga ito.
Nang makita ni Ricky Sierra, 44, ama ni Curacha, na hinahabol ang dalawang dalaga ng mga suspek ay inawat niya ang mga ito ngunit binugbog siya ng dalawa.
Nang makitang bugbog-sarado na si Sierra ay sumigaw sa paghingi ng tulong ang dalawang dalaga naging dahilan upang tumakas ang mga suspek.
Mabilis namang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mga dalaga na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na nakumpiskahan ng isang sumpak at dalawang kutsiyo. (ALAIN AJERO)
