DINOMINA ni Fernando Martinez ng Argentina ang 12 rounds at muling tinalo si Filipino former world champion Jerwin Ancajas via unanimous decision, Sabado (Linggo sa Manila) sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.
Ang iskor: judge Tiffany Clinton, 118-110; judge Ellis Johnson, 119-109; judge Zachary Young, 118-110.
Napanatili ni Martinez (15-0, 8KOs) ang IBF junior bantamweight crown, na kanyang inagaw kay Ancajas (33-3-2, 22KOs) noong Pebrero 26 sa Las Vegas.
Pumabor kay Ancajas ang unang dalawang rounds hanggang 4th round. Nasapol ni Ancajas ng left straight si Martinez habang pasugod ang huli, at bumawi rin bago natapos ang 5th round.
Ngunit pagsapit ng 6th, pinagtatamaan ni Martinez si Ancajas, na madalas nako-corner. Hindi nagbago ang fight plan ng 31-anyos Argentine champion na sugod nang sugod, na tila hindi napaghandaan ni Ancajas.
Hanggang naputukan si Ancajas sa pagitan ng mga kilay (bandang noo) nang magkauntugan sila ni Martinez at bigo ang kanyang cornermen mapatigil ang dugo sa seventh round. Nagpatuloy ang power punches ni Martinez sa eight round, ngunit nanatiling nakatayo si Ancajas na medyo namamaga na ang mukha.
Pagdating ng ninth round, kumonekta si Ancajas ng ilang suntok, upang ipakita kay Referee Eddie Hernandez na kaya pa niyang makipagsuntukan, ngunit hindi niya naawat si Martinez sa patuloy nitong pagpasok at pag-atake.
Nagawang makabitaw ni Ancajas ng right hook kay Martinez sa 11th round, ngunit gumanti ang Argentinian ng right hand.
Pagtuntong ng 12th round, knockout na lang ang kailangan ni Ancajas para manalo, tinamaan niya ng straight left si Martinez subalit bumawi ang champion at muling nagpaulan ng suntok hanggang sa pagtunog ng bell.
MARCIAL PANALO
NAGTALA naman si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial ng unanimous decision win laban kay Steven Pichardo sa kanilang 6-round middleweight clash.
Kahit umaagos ang dugo mula sa putok sa kanang bahagi ng mata sanhi ng accidental headbutt sa second round, hindi natinag si Marcial at pinulbos ang kasagupa tungo sa kanyang ikatlong sunod na panalo sa professional career. (VT ROMANO)
235 