ANG BAGAL

KUNG pagsasamahin ang covid-19 vaccines donations na dumating sa Pilipinas, inuulit ko donasyon, aabot na ito sa halos isang milyong doses.

Nagdonate ang China ng Sinovac na mahigit 500,000 doses habang ang World Health Organization (WHO) ay nagdonate naman ng mahigit 400,000 doses ng AstraZeneca vaccine.

Pero noong Huwebes, mahigit 114,000 pa lamang ang nababakunahan na malayong malayo pa sa 500,000 na dapat nabakunahan mula sa mga bakunang ito na donasyon ng China at WHO.

Nauunawaan natin na ang medical frontliners sa pribado at pampublikong pagamutan ang uunahing bakunahan dahil sila ang exposed talaga sa virus na ito na nagmula sa China at hindi pinigilan ang pagkalat.

Pero marami tayong naririnig na marami sa mga medical frontliner ang nagdadalawang isip na mabakunahan lalo na sa sinovac. May karapatan naman silang mamili, nauunawaan naman natin sila.

Ang kailangan sigurong linawin ng gobyerno, iintayin pa ba muna na mabakunahan ang lahat ng medical frontliners bago isunod na bakunahan ang mga Senior Citizens na pangalawa sa priority list?

Paano kung ang mga inaantay ng medical ­frontliners na bakuna ay hindi agad dumating, kailangan ba siguraduhin muna na mabakunahan muna silang lahat bago isunod ang mga matatanda?

Wala namang pilitan sa pagbabakuna pero kung ayaw talaga nila bakit hindi gamitin ang mga inaaayawan nila sa ibang priority sector para maubos na ang mga donasyon at mapabilis ang pagbabakuna.

Siguro naman marami ang may gusto sa sinovac at astrazeneca na available na. Sabi nga ng mga doctor na nakausap ko at tapos nang magpabakuna ng sinovac, mas magandang may proteksyon sila na 50% kesa wala.

Hindi dapat intayin na matapos munang mabakunahan ang lahat ng medical frontliners at iaalok na sa mga may gusto ang mga bakunang hawak natin para magkaroon na sila ng proteksyon.

Kailangan na kailangang maproteksyunan na ang lahat ng sektor ng lipunan at sana iprayoridad din ang mga manggagawa dahil sila ang bumubuhay sa ekonomiya ng ating bansa.

Nasa ika-11 at ikalawa sa huling huli sa priority list ang mga manggagawa at kung ganitong kabagal ang pagbabakuna dahil inaawayan, baka nga sa 2023 pa magkakaroon ng herd immunity sa ating bansa tulad ng sinasabi ng Malacanang.

Masyado nang apektado ang ekonomiya ng bansa dahil sa pandemyang ito. Nagdulot na ito ng kawalan ng trabaho sa may apat na milyong mga filipino base sa datos ng Philippine Statistic Authority (PSA). Pero tinataya ng mga militanteng grupo, kokonti lang yang numero mula sa PSA dahil sa kanilang pagtataya, mahigit 6 milyon ang walang kayod sa bansa ngayon.

Kung ihuhuli ang work forces sa babakunahan, talagang hindi pa makakabalik sa normal ang ekonomiya ng bansa at magpapalit na tayo ng gobyerno sa 2022 eh nandyan pa ang problema.

Ngayon para maidispose ang mga bakuna na hawak na natin ngayon, tawagin na yung mga gustong magpabakuna kahit saan sektor man sila nabibilang para ­mapabilis lalo na yung inaayawan naman ng mga nasa priority list ang mga bakunang yan.

Dapat nang gawin yan lalo na ngayon na dumarami na naman ang covid-19 case sa ating bansa kaya maraming lugar sa Metro Manila ang isinailalim na sa granular lockdown.

Mag-aanibersaryo na ang Lockdown sa Marso 17, pero parang palalala ang ating situwasyon dahil may mga taong nagpabaya at iresponsable lalo na sa ­gobyerno.

426

Related posts

Leave a Comment