ANG KAPAL NG ILANG SENATORIAL CANDIDATES

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MARAMING nakakapalan sa ilang senatorial candidates dahil kahit alam nila na limitado ang kanilang kapasidad, talino at kakayahan ay ipinipilit pa rin nila ang kanilang sarili na maging senador.

Ayaw nilang magparaya sa iba na may kakayahang gumawa ng batas, makipagdebate at hindi inaasa sa kanilang staff ang kanilang trabaho dahil siguro sa pribilehiyong natatamasa bilang isang senador.

Mantakin n’yo ha, may isang senador na dalawang dekada na sa Senado pero isang batas pa lamang ang kanyang ipinagmamalaking nagawa at ngayong tumatakbo na naman siya ay ‘yun pa rin ang kanyang ipinagmamalaki sa kanyang political ads.

Halos dalawang dekada na ang senatorial candidate na ito sa Senado pero isang batas pa lamang ang nagawa? Saka huwag niyang angkinin ang batas na ‘yan dahil hindi magiging batas ‘yan kung walang kahalintulad na panukala na naipasa sa Kamara.

Ibig sabihin, may isang kongresista ang naghain ng kahalintulad na panukala at ipinasa sa Kamara kaya hindi ko alam kung saan kinuha ng mamang ito ang kapal ng mukha na siya lang ang gumawa ng batas na ‘yan.

Sige, ipagpalagay na lang natin na siya ang may idea at hindi ang lawyer staff… pero hindi ba tayo lugi sa kanya dahil halos dalawang dekada na natin siyang pinapaswelduhan at sagana pa sa allowance na mas malaki sa sahod niya pero isang batas lang ang nagawa niya?

‘Yun isa naman walang maipagmalaking batas na nagawa pero ipinalalabas niyang umaaksyon siya eh hindi nga siya nakikipagdebate eh. Wala akong matandaan na nakipagbungguan siya ng talino sa plenaryo ng Senado.

Ang natatandaan ko lang na away na kinasangkutan ng mamang ito ay ‘yung pagsisigawan niya ang isang dating opisyal ng gobyerno na hindi makapalag sa kanya dahil lalaban ba naman ang inaaway niya sa kanya eh naganap ang kanyang paninita sa loob ng Senado na isa siya sa mga tenant?

Napakatagal na rin ng mamang ito sa Senado pero parang walang kasawa-sawa at marami na rin siyang kinasasangkutang kontrobersya pero hindi na nahiya, at patuloy na ipinagpipilitan ang kanyang sarili sa mataas na kapulungan.

May dinastiya na rin pala ang mamang ito dahil marami sa mga miyembro ng kanyang pamilya ay nasa pulitika na rin pala. Hindi na sila nahiya! May napala ba ang bayan sa mga ito?

Huwag kayong mag-aalalang dalawa, may mga kasunod pa ang pitak na ito ukol sa mga senatorial candidate na wala namang kakayahan ay tumatakbo pa kaya walang nangyayari sa Senado.

Pero malaki ang kasalanan ng mga botante kung bakit nagkakaroon tayo ng mga ganitong senador dahil ang ibinoboto niyo ay yung sikat at hindi niyo ikinokonsidera kung may kakayahan ba sila.

54

Related posts

Leave a Comment