DPA ni BERNARD TAGUINOD
DAPAT talagang matuto na ang sambayanang Pilipino sa pagpili ng ibobotong mga senador ngayong midterm election upang hindi na madagdagan ang mga kenkoy sa Mataas na Kapulungan.
Habang patagal nang patagal kasi, parami nang parami ang bilang ng mga senador na kenkoy dahil maraming senatorial candidate ang hindi nahihiyang tumakbo kahit kulang sila ng kuwalipikasyon.
May mga kandidato sa paparating na midterm election ang idinadaan sa sayaw ang panliligaw para sila ay ibalik, este, iboto sa susunod na eleksyon. Sa sayaw na nga lang, hindi na siya marunong, sa paggawa pa kaya ng batas?
Sabi pa nila, ipaglalaban ko kayo! Ha? Hindi mo nga ipinaglaban ang bansa sa mga gustong manakop sa atin, ang sambayanang Pilipino pa kaya? Baka naman sarili niyo lang ang ipinaglalaban niyo kaya tumatakbo kayo!
‘Yung isa naman, mukhang laging naghahanap ng away at madada. Lahat inaaway at minumura at kung umasta parang siya ang hukom. ‘Yung unang lumapit sa kanya, ‘yun ang bida para sa kanya at ang inireklamo ay kontrabida na sa kanya.
Masyadong matapang magsalita pero mukhang takot at alam niyo kung bakit? Ang daming bodyguard at hindi basta-basta nalalapitan kaya paano kaya ito mangangampanya kung sangkaterba ang bantay niya?
Eto ha, ang ganitong asta ng mga politiko kapag nabigyan ng pagkakataon na tumaas pa ang kanilang posisyon, hindi malayong maging authoritarian ito at baka bumalik ang panahon na puro mura ang maririnig natin uli.
‘Yung isa naman, dapat daw bago. Hala, siya lang ang bagong pasok sa pulitika sa kanyang pamilya pero ang kanyang mga magulang, kapatid at mga kaanak ay deka-dekada na sa mundo ng pulitika. Tigilan mo nga kami!
Kung talagang nagsilbi ang pamilya ng kandidatong ito, baka matagal nang nagbago ang Pilipinas pero hanggang ngayon ay binabaha pa rin tayo dahil ninanakaw ang pondo, malala pa rin ang katiwalian sa gobyerno.
Pero tama siya, dapat bago ang iboto sa Senado, ‘yung hindi galing sa political clan, para magkaroon ng pagbabago pero hangga’t pare-pareho ang dugong nananalaytay sa kanilang ugat, ‘wag nang umasang magkaroon ng pagbabago.
‘Yung isa naman, wala man lang natapos. Sikat lang pero walang maihatag na kwalipikasyon kundi naikot na raw niya ang buong bansa at malamang gagamit din ‘yan ng dictionary kapag nanalo.
Mag-apply ka nga lang ng clerk sa gobyerno, ang requirements ay college graduates tapos itong kandidatong ito na hindi nahiyang tumakbo eh hindi man lang nakatapos? Hindi man lang kayo nahihiya!
