CLICKBAIT ni JO BARLIZO
TILA binola nitong si Agriculture chief Francisco Tiu Laurel Jr., ang publiko kamakailan sa sinabi niyang noong panahon ng kampanya na nagbitaw ng pangako si Pangulong Bongbong Marcos na maibababa sa P20 ang kada kilo ng bigas, ay malaki raw ang posibilidad na matamo iyon noon.
Noon at hindi ngayon.
Anya, nagbago ang mga pangyayari kaya hindi na maibaba ng gobyerno ang presyo ng bigas sa P20 kilo. Pahirapan daw dahil may Ukraine war.
Pwede palang makamit noon, eh ba’t di ginawa agad?
Palusot. Hindi na lang aminin na pangako lang ang P20, na hindi naman kayang tuparin.
Sa unang joint inquiry ng House Quinta committee o “Murang Pagkain Supercommittee” kamakailan, nagtanong ang mga mambabatas bakit nananatiling mataas ang presyo ng bigas kahit binawasan ang taripa sa pag-import.
Noong Hulyo, ibinaba ng gobyerno ang taripa sa importasyon ng bigas sa 15 percent mula 35 percent, batay sa Executive Order 62 ni Pangulong Bongbong.
Dahil sa EO, sinabi ng mga economic manager na ang retail prices ay mababawasan ng P5 hanggang P6 kada kilo noong Agosto.
Ayon kay Rachel Lacsa ng Philippine Statistics Authority, ang presyo ng bigas bago ang tapyas taripa ay P50.90 kada kilo noong Hulyo, ngayon ay P50.22 na.
Ngunit nagtataka si House Committee on Ways and Means Chairperson Albay Rep. Joey Salceda bakit walang paggalaw sa presyuhan, kung saan nasa P55 ang presyo.
Imposible aniya na sa kabila ng tapyas taripa ay mayroon pa ring 9.6 percent na pagtaas sa presyo ng bigas, at nataong panahon pa ng anihan.
Nasayang ang benepisyo ng ibinabang taripa, ayon kay Salceda.
Ayon sa opisyal ng DA, bumababa ang presyo ng imported at local rice, ngunit hindi sa presyo ayon sa kanilang pagtaya.
Hindi naman kailangang maging maalam ang isang indibidwal kung ano ang problema kaya hindi gumagalaw ang presyo o kaya walang malaking pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.
May higit na nakikinabang, pero sigurado hindi ang mga mamimili at konsyumer.
Kung importer ang nakikinabang sa tariff cut, dapat higpitan ang pagbibigay ng permiso sa nag-aangkat, at patawan ng mabigat na parusa ang mga nagsasamantala at nagkokontrol ng presyo.
May saysay ang binabaang taripa kung sa mga konsyumer napupunta ang benepisyo, hindi sa ilan lang na may pera at koneksyon.
Nalulugi ang gobyerno ng bilyong piso dahil sa pagbaba ng taripa, ayon kay Bureau of Customs Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla.
Itatapon na lang ba ng gobyerno ang bilyong piso?
Wala namang saysay kaya ibalik na ang dating taripa nang madagdagan ang kaban ng bayan.
Sa dami ng kapus-palad, eh magtatampisaw ang pamahalaan sa glorya ng kanilang pamumudmod ng ayuda.
Sa ayuda bumawi kung hindi bababa ang presyo ng bigas sa abot-kaya ng lahat.
Iyan lang din naman ang mabilisang solusyon ng gobyerno sa mga problema ngayon e.
