ANG LUPIT MO 2020

SIYAM na araw na lang magpapaalam na ang taong 2020. Lahat tayo ay nagsasabi na “ang lupit mo 2020” dahil buong taon tayong nagdusa dahil sa covid-19 pandemic na hindi pa alam kung kailan matatapos kahit meron nang bakuna.

Simula noong ikatlong linggo ng Marso 2020, nagdusa na tayo at patuloy tayong nagdudusa dahil limitado pa rin ang galaw ng mga tao hanggang ngayon.

At kahit pa siguro magkaroon ng bakuna sa ating bansa sa lalong madaling panahon ay hindi pa rin magbabago ang ating sitwasyon dahil hindi naman lahat ay mababakunahan.

Pinakamalupit ang taong ito mula nang ako ay nagkaisip dahil marami ang nawalan ng hanapbuhay at halos lahat ng negosyo ay nagsara. Nagutom ang maraming pamilya at hindi na umusad ang buhay ng mas nakakarami.

Sa isang iglap, naglaho ang hanapbuhay ng mga tao, ang mga negosyo at hanggang ngayon ay hindi pa alam ng marami kung kailan maibabalik ang kanilang normal na pamumuhay.

Ang mga estudyante ay halos walang natutunan dahil sa online classes. Iba pa rin ang face-to-face learning na nakikita ng mga guro ang ginagawa ng kanilang mga estudyante pero sa online classes, maraming destruction ang mga estudyante lalo na ang paslit.

Ang gobyerno, puro gastos ang ginawa at dahil walang income dahil sa pagsasara ng mga ­negosyo at walang pambili ang mga tao ay kailangang umutang kaya lalong nalubog sa utang ang mga Filipino.

Tinataya nga ng mga eksperto na aabot na sa P10 Trillion ang utang ng Pilipinas bago matapos ang taon at madadagdagan pa yan dahil uutangin pa rin ang pambili ng covid-19 vaccines para mabakuhanan ang mga tao.

Habang nasa gitna ng ­pandemya ang sambayanang Filipino, sinabayan naman ng ­pananalasa ng magkakasunod na bagyo noong Oktubre at ­Nobyembre kaya lalong nalugmok ang mga tao mula sa Bicol hanggang sa Cagayan.

Yung konting pag-asa ng mga taga-probinsya na sinalanta ng bagyo ay nawala matapos iguho ng bagyo at ilubog ng tubig ang kanilang konting kabuhayan kaya lagi kong naririnig sa mga tao ang mga salitang “ang lupit ng taong ito”.

Sa bagyo, wala akong sisisihin dahil tadhana na ‘yan pero sa covid-19 kasama ako sa ­nakatingin sa mga government officials at gusto kong sabihin na dahil sa inyo lumala pa ang kalagayan ng mga Filipino.

Kung ginawa lang ng mga taong gobyerno ang kanilang trabaho ay hindi natin ito sasapitin. Pero dahil mas binigyan nila ng importansya ang China kesa mga Filipino kaya nagkawindang-windang tayo.

Sabi noon ni Health Secretary Francisco Duque, ayaw nilang magpatupad ng travel ban sa mga Chinese nationals dahil ayaw nilang masaktan ang damdamin ng China… ano ang resulta? Ang mga Filipino ang nasaktan, nagdusa, nagkasakit at nangamatay.

Nang magkaroon ng unang kaso ng covid-19 sa bansa noong Enero ay hindi agad nagpatupad ng health protocols at ­hindi naglockdown dahil hindi pa raw kailangan hanggang sa kumalat na ang virus na ito at hindi nakontrol.

Nagkaroon nga ng lockdown noong Marso 17 pero pinalabas ang mga para kumuha ng ayuda kaya lalong lumala ang situwasyon kaya parang gusto ko ring sabihan ang mga taga-gobyerno ng “ang lupit nyo”.

Pero dalangin ko na sa pagpasok ng taon ay makokontrol na ang covid-19 lalo na kung hindi ididribol ang pag-apruba at pagbili ng bakuna. Sana. Lord Kayo na po ang bahala!

 

142

Related posts

Leave a Comment