TARGET NI KA REX CAYANONG
SA panahon ng pamamahala, ang mga proyekto at programa ang nagiging salamin ng tunay na paglilingkod sa bayan.
Ngunit paano nga ba natin malalaman kung ang isang lider ay talagang nag-iwan ng makabuluhang pamana? Sabi nga ni Konsehal Regie Angeles ng bayan ng Cabiao, panahon na upang ikumpara ang nagawa ng dalawang kongresista ng 4th District.
Ihambing natin ang kasalukuyan sa nagawa noon ni Dra. Maricel Natividad Nagaño.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, naipatayo ang barangay halls, senior citizens buildings, at day care centers na nagbigay ng sentro ng serbisyo para sa bawat sektor ng lipunan.
Naipatayo rin ang multi-purpose gymnasiums hindi lamang para sa palaro kundi bilang evacuation centers tuwing may kalamidad.
Hindi natapos doon ang kanyang serbisyo—naipagawa rin ang mga bagong kalsada na nag-uugnay sa mga barangay, nagbibigay-daan sa mas mabilis na pagbiyahe ng mga produkto mula sa bukid patungo sa mga pamilihan.
Kasabay nito, nagbigay siya ng libreng kagamitan para sa maliliit na negosyo, na nagsilbing puhunan para sa kinabukasan ng maraming pamilya.
Hindi rin kinalimutan ang edukasyon sa pamamagitan ng libreng skills training para sa mga kabataang nais makahanap ng trabaho, hindi lamang sa bansa kundi pati sa ibang bansa.
At sa larangan ng kalusugan, naipatayo ang ospital na libre ang lahat ng serbisyo, mula check-up hanggang caesarean section, na tunay na nagbigay ginhawa sa mga nangangailangan.
Isang kolehiyo na may 100% scholarship din ang itinayo upang matiyak na ang edukasyon ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat kabataan.
Ngayon, ano ang mayroon? Puro ayuda—isang pansamantalang solusyon na saglit lang ang epekto. Band-aid solution na hindi nakapag-aangat sa kabuhayan ng pamilyang Pilipino.
Ang tunay na serbisyo ay hindi lamang pagbibigay ngayon at bukas ay wala na. Ito’y mga proyektong pangmatagalan na magbibigay ng mas maliwanag na kinabukasan.
Pag-isipan natin, mga kababayan. Huwag tayong padadala sa matatamis na salita at pangako.
Suriin natin ang mga nagawa—ang mga konkretong proyektong may pangmatagalang epekto sa buhay ng bawat isa.
Dahil ang tunay na liderato ay hindi nasusukat sa dami ng ipinamigay na ayuda kundi sa kalidad ng mga proyektong nagbubukas ng mas maraming oportunidad at nag-aangat sa kabuhayan ng bawat Pilipino.
Huwag sayangin ang pagkakataong pumili ng lider na tunay na maglilingkod at mag-aangat sa inyong lugar.
