ANG PROBLEMANG KINAHAHARAP NG BOC SA MAKATI EXPRESS CARGO

 RAPIDO ni PATRICK TULFO

NAIKUWENTO po sa inyong lingkod nito lang Miyerkoles, ng Asst. Commissioner at tagapagsalita ng Bureau of Customs, Atty. Vince Maronilla, ang problema ng siyamnapung (90) containers ng Makati Express Cargo na nakatengga sa ngayon sa MICP.

Ipinakita ni Atty. Maronilla ang report ng utang ng mga container na ang sumatotal ay umaabot na sa mahigit P90 milyon.

Mayroon daw nailabas na mangilan-ngilang containers ang Makati Express Cargo nitong mga nakaraang linggo pero hindi sapat upang mabawasan man lang kahit kalahati ang mga container na nasa Manila Port.

Naitanong ko kay Atty. Maronilla kung nakakausap pa nito si Mandeep Singh, ang Country Manager ng Makati Express sa bansa na siya ring aming nakaharap noong Agosto sa kanyang opisina.

Ayon kay Atty. Maronilla, may komunikasyon pa naman sila rito at nagbigay pa ito ng update na mayroon na raw silang “potential investor” mula sa Qatar.

Pero sana naman daw ay isabay rin ni Mandeep, ang paglalabas ng mga container nila sa MICP para mabawasan ang alalahanin ng kanilang opisina.

Tiniyak ni Atty. Maronilla na hindi nila bibigyan ng accreditation ang panibagong kumpanya ng Makati Express kung magtatayo ito ng bago.

Ayon sa aming natanggap na impormasyon, mahigit isang daang containers ng Makati Express Cargo ang nakalagak ngayon sa mga port ng Manila, Cebu at Davao Port.

At kung isasama pa ang mga container ng Tag Cargo, Cargoplus, TPE at ACCE cargo sa bilang, maaaring umabot ito ng mahigit na 130.

Isa sa mga dahilan sa problemang ito ay ang mabagal na pag-aksyon ng Department of Migrant Workers sa isyu, dahil may kasunduan ang BOC at DMW na sa kanila ipapasa ang mga container na ito dahil sila ang may hurisdiksyon.

50

Related posts

Leave a Comment