WELLNESS BREAK MUNA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

WELLNESS break! Ibig sabihin, walang pasok.

Ayan, idineklara ng DepEd na wellness break ang Oktubre 27-30, 2025 para sa mga guro at mag-aaral para tiyakin ang kanilang kalusugan matapos ang nagdaang kalamidad at kaso ng trangkaso.

Mahaba-habang bakasyon ‘to.

Special non-working holiday ang kasunod nitong araw na Biyernes, Oktubre 31, at sunod ang pagdiriwang ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre 1-2 kaya magbabalik ang klase sa Nobyembre 3, 2025.

Teka, sem break ata ‘to na binigyan lang ng haplos ng may malasakit na termino.

Sabagay, makapagpapahinga ang mga guro at mag-aaral, na pagbalik sa eskuwelahan ay masigla at kargado ng enerhiya.

Kaso nga lang, baka mawili sa break at hayahay na buhay.

Swerte nga nila, may sem break, este wellness break.

Noon, ‘yung elementarya at sekondarya ay wala niyan. Christmas break lang ang inaabangan.

Sige na nga. Break kung break basta istap muna ang baon.

Buti na nga may break para ma-unbreak naman ‘yung siksikan sa silid-aralan.

Kulang na kulang ang mga classroom kasi naman mala-pagong ata kilos sa paggawa kaya nasa 22 silid-aralan lang sa target na 1,700 ang naipatayo ngayong 2025.

Nawili nga ba ang DPWH sa mga proyekto kontra baha kaya hindi nabigyan ng prayoridad ang paggawa ng mga silid-aralan? Malamang, lame-lamesa ba naman ang pinagpapartehan.

Ang DPWH lang ang may kapangyarihan sa pagpapatayo ng mga silid-aralan ng DepEd kaya paano matatamo ng pamahalaan ang inaasam na 40,000 buildings sa katapusan ng panunungkulan ni President Ferdinand Marcos, Jr.?

Heto at sanib-puwersa na raw ang DepEd, DPWH, at mga LGU sa pagpapatayo ng mahigit 2000 silid-aralan hanggang 2026.

Nais daw kasi ng Pangulo na ang kakulangan sa classrooms ay mapunan sa lalong madaling panahon para sa kabutihan ng mga mag-aaral kaya hindi puwede ang mabagal kumilos.

Dapat naman talaga na huwag nang iasa lamang sa DPWH ang paggawa ng mga classroom. Dapat na ring isulong ang public-private partnerships para sa mas mabilis na konstruksyon nang mapunan ang kakulangan.

Kahit sino ay maghihimutok na 22 classroom lang nagawa hanggang ngayong taon.

Kung dumadaing ang DepEd ay lalong dismayado ang mga tao.

Tuloy, may panawagang buwagin na ang DPWH, na bukod sa flood control project ay naupakan din sa proyektong classroom.

Pero, bakit naman bubuwagin dahil sa maling gawain ng iba?

Dapat na linisin ang ahensya at bunutin ang mga damuho.

Hindi pagbuwag sa DPWH ang tugon sa isyu ng korupsyon sa ahensya.

Bubuwagin, papalitan ng ibang pangalan pero kung ang mga laman naman ay walang ginawa kundi magpataba ay tiyak nariyan pa rin ang katiwalian.

Sabi nga ng mga lolo’t lola natin – hindi mo kailangang sunugin ang buong bahay para lang puksain ang mga daga.

46

Related posts

Leave a Comment