Nadama na ang Gobyernong Moreno sa First 100 days!

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

HINDI basta slogan lang ang pangako “We will make Manila great again!”

Nagpakita na ito, naipadama na sa second term ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at sa paanong paraan niya nagawa ito?

Sa unang mga linggo, ang mabantot at amoy-panghe at amoy ebak na paligid ng city hall, parke, Divisoria, Carriedo, Echague at underpass, mga tulay, mga baradong kanal, imburnal, at nagtambak na dumi at basura, agad na nilinis, bigla, nagliwanag ang mga kalye naging mabango ang paligid.

Halos nasimot ang kaban sa city hall at unti-unti, naibabalik na ang kumpiyansa ng Manilenyo na sa mga susunod na taon, magiging matatag na uli ang pinansya ng siyudad.

‘Yung tiwala ng mga taxpayer, eto na, naibalik na at may mga pumapasok na negosyo at ang takbo ng mga departamento, opisina at iba pang mga ahensya ng pamahalaang lokal, maayos nang gumagana, at kumikilos sa pag-aabot ng serbisyo na nakaligtaan ng nakaraang pamunuan.

Sa unang sandaang (100) araw, maayos na uli ang paglikom ng mga buwis at nailalaan, naipopondo at naitutustos sa mga pangangailangan sa maayos na takbo ng Gobyernong Moreno.

Binuksan muli ang Electronic Business One-Stop Shop (E-BOSS) kaya, madali lang, makinis at maayos ang pagbabayad ng mga kailangang buwis, ito ay patotoo ng tiwala ng taumbayan, pati ang ang iba pang taxpayers.

Binawasan na ang marami at ‘di kailangang rekisitos sa pagbabayad ng buwis at masayang naipatutupad ang magaan na sistema ng pagbabayad.

Kung dati ay tumatagal ng isang linggo, ngayon, isa (1) o hanggang tatlong (3) araw, aprub na agad ang bayarin sa buwis sa mga renovation and fit-outs at tatlo (3) hanggang limang (5) araw, ayos na ang bayarin sa residential, commercial, institutional, o iba pang bayarin sa negosyo at industriya.

‘Yung mga rekisitos sa zoning, nabawasan na ito, mula sa 22 ay naging 7 na lamang para sa application, at mula sa 15 napaikli sa 5 para sa appeals, ulat ni Yorme sa mamamayang Manilenyo.

Nireporma niya ang dami ng kawani sa city hall, ito ay upang makatipid at magaan na makapagbigay ng serbisyo sa mamamayan, sabi ng alkalde, mula sa 9,830 na Job Order mula Enero-Hunyo 2025, nabawasan ito sa bilang na 7,023 (Hulyo-Disyembre 2025).

Nakabawas sa gastos ang city hall ng 72%, at ito, sabi ni Yorme Isko ay isang paraang “Dagdag koleksyon, Bawas gastos” at nagpapatatag sa kaban ng Batang Maynila.

Maipagmamalaki nga ang malaking ibinawas sa gastusin at malaking tipid ito, sabi ni Yorme Isko. “Sa lahat ng mga ito ay nagpakita tayo ng consistency and commitment. At ano ang isinukli ng taong nabuhayan ng loob sa gobyernong bilis-kilos? Confidence! Tiwala sa ating pamamahala.”

Sa pagbabalik ng tiwala, may pumapasok na bagong investment, at ang katumbas nito, ang dagdag na koleksyon at salapi sa kaban, at ang pagbabalik ng matatag ng tiwala ng publiko.

Eto ang ulat ng alkalde noong Oktubre 8, kumubra na ang city government mula sa business taxes, lisensya at iba pang bayarin na umabot sa P552,495,629.38, at dahil sa general tax amnesty program, kumolekta ng P141,629,222.43 mula sa delinquent payments.

Sa pagbabalik ng tiwala at kumpiyansa ng mga negosyo, mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong 2025, kumubra ng P58.9 million, mas mataas sa nakolektang P18.9 million sa katulad na buwan noong 2024.

Wow, sumirit ng mahigit sa 300% ang nakolektang salapi na dagdag sa kaban ng lungsod.

Nakalikha ito ng 12,752 bagong trabaho, at nakapaglagak ng P7.1 billion na dami ng investments, at ang dating koleksyon (hawkers’ fees) na P7.09 million, umakyat ito sa P10.13 million from P7.09 million sa katulad ding panahon noong 2024.

Sa zoning requirements, ibinalita ni Yorme Isko na nakapagpasok ng P23.6 million mula sa 350 clients mula sa mga restoran, bangko, ospital, sinehan at iba pang proyekto.

Kumolekta rin sa naiwang bayarin ng mga kontraktor ng P131 million mula sa 315 flood control projects noong 2022-2025, at dagdag dito ang bahagi sa National Tax Allotment na P2,172,933,771.

Eto pa, sabi ni Mayor Moreno – mula Hulyo-Setyembre 2025, nag-isyu ang Office of the Building Official ng 2,069 permits and certificates na may katumbas na P702.75 million sa mga proyektong may sukat sa maliit na 67,526.81sqm.

Kumolekta ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ng mataas na koleksyon na P37.6 million mula Hulyo-Setyembre 2025, mas malaki sa dating P30.7 million sa katulad na panahon noong 2024.

Patunay ito na kapag maayos ang sistema, disiplinado ang mga enforcer.

“Malinaw ang direksyon ng pamahalaan – may resulta, may koleksyon, at may tiwala ang taumbayan,” wika ng alkalde.

Sa mga utang ang Maynila, sa unang 100 days, P3,103,753,877 ang naibayad ng Maynila, kasama rito ang P582.9.million sa utang sa gamot at iba pa; P57.78 million para sa kagamitang medikal: P131.56 million sa paghakot ng basura at P1.47 billion sa mga proyektong impraestruktura.

May mga binayaran pang ibang utang ang pamahalaang lokal pero sabi ni Yorme Isko, hindi iyon ang nagpapahirap sa kanila.

“Ang tunay na nagpapahirap at nagpapabigat sa ating lungsod ay hindi ang mga utang para sa mga proyektong may pakinabang. Kundi ang maling paggamit ng pondong ipinagkatiwala ng taumbayan,” sabi ni Yorme Isko.

Ipinaliwanag ng alkalde, naging maayos ang kapanatagan ng siyudad sa mahusay na pamamalakad ng Manila Police District (MPD) laban sa kriminalidad sa siyudad.

Kung tumaas ng 9.2% ang crime solution efficiency ng MPD, kasi, masipag sa pagdakip, pagsakote sa mga tolongges at mga siga-siga at mga pasaway sa baras.

Matagumpay na naipatutupad ang programang “Streets rid of garbage. Streets free of crime. Streets lighted at night. Streets where commerce and traffic can co-exist.”

May gobyerno na ang Maynila na ang pokus ay pagpapatupad nang maayos na pamamahala, pagkamasunurin sa mga polisiya, paggalang sa mamamayan at katapatan sa serbisyo sa bayan.

Nasa pagtupad sa batas at disiplina sa sarili at gawaing matapat ang susi sa pag-unlad!

Ito ang naipakita ng Domagoso government sa unang 100 days nito sa katungkulan.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

46

Related posts

Leave a Comment