CAVITE – Patay ang isang babaeng angkas habang sugatan ang driver nang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang poste ng kuryente makaraang masagi ng dump truck sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Isinugod sa San Lorenzo Ruiz Hospital sina Diosdado Dignos y Magno, 37, may live-in partner, isang aircon technician at driver ng motorsiklong Rusi, at Florame Destacamento y Villamor, 31, may live-in partner, kapwa ng Barangay Molino, Naic, Cavite, ngunit hindi umabot nang buhay ang huli.
Kinilala naman ang driver ng dump truck na may plakang NER 2548, na si Romeo Sabaybay Jr. y Francisco, 32, binata, ng Calamba, Laguna.
Ayon sa ulat, dakong alas-3:00 Huwebes ng hapon nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng A. Soriano Highway, sakop ng Brgy. Sahud Ulan, Tanza, Cavite.
Minamaneho ni Sabaybay ang isang dumptruck habang binabagtas ang kahabaan ng nasabing lugar sakop ang inner lane patungo sa direksyon ng Naic nang nasagi nito ang minamanehong motorsiklo ni Dignos na angkas si Destacamento, na binabagtas ang outer lane ng kalsada.
Dahil dito, dumiretso ang motorsiklo at bumangga sa poste ng kuryente at tumilapon sila sa lupa.
Isinugod ang dalawang biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival si Destacamento. (SIGFRED ADSUARA)
