RAMDAM na ang epekto ng kauna-unahang bagyo ngayong taon matapos ideklarang Tropical Depression Ada ang namataang low pressure area sa silangan ng Davao City.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), anim na lalawigan na ang isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 matapos ganap na maging bagyo ang LPA at pangalanang Ada.
Nasa ilalim ng Signal No. 1 ang mga lalawigan ng Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Dinagat Islands, Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Inaasahang lalakas pa si Ada at magiging tropical storm sa loob ng susunod na 24 oras habang tinatahak ang Bicol Region, Eastern Visayas, silangang bahagi ng Gitnang Luzon at Hilagang Luzon.
“Ada will move west-northwestward to northwestward over the next three days,” ayon sa PAGASA. Sa loob ng susunod na 36 oras, posibleng magdulot ang bagyo ng minimal to minor threat to life and property.
Kahapon ng umaga, huling namataan ang bagyo 635 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, na may maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras at bugso na hanggang 55 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 35 kilometro kada oras.
Ayon pa sa state weather bureau, patuloy na lalakas si Ada habang binabaybay ang karagatang sakop ng Pilipinas. Umaabot umano sa 500 kilometro mula sa sentro ng bagyo ang saklaw ng malalakas na hangin nito.
Pinayuhan ang publiko, lalo na sa mga lugar na apektado, na manatiling alerto at makinig sa mga susunod na babala ng PAGASA.
(JESSE RUIZ)
108
