ANNABEL’S RESTO SA QC NASUNOG

TINATAYANG aabot sa P4M ang halaga ng mga ari-arian na tinupok ng apoy sa popular na Annabel’s Restaurant sa Quezon City matapos dalawang ulit na sumiklab ang apoy sa kanilang gusali kahapon ng umaga.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), unang sumiklab ang apoy sa kusina ng restaurant bandang 4:32 ng umaga (Agosto 31) pero agad ding naapula matapos ang isang oras.

Batay sa arson investigator, ang sunog ay sanhi ng gas leak sa kusina.

Bandang 8:15 ng umaga naman nang muling sumiklab ang apoy sa function room sa second floor ng two-storey restaurant. Naapula ang apoy bandang 9:57 ng umaga.

Wala namang iniulat na namatay o nasugatan sa insidente.

Ang Annabel’s Restaurant ay matatagpuan sa Tomas Morato Ave. sa Brgy. Sacred Heart, na madalas pagdausan ng press conferences at iba pang public events.

Batay naman sa inilabas na pahayag sa kanilang Facebook page, pinasalamatan ng management ng restaurant ang kanilang mga customer na patuloy na tumatangkilik sa kanila.

“We’re happily looking forward to serving you. For now, we will rebuild to serve you better,” ayon sa pahayag. (LILY REYES)

240

Related posts

Leave a Comment