HINDI lang mga mag-aaral, propesor, instraktor at pamunuan ng University of the Philippines (UP) ang nagulat sa desisyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, kundi maging ang mga mamamahayag.
Siyempre, panibagong istorya ang pagpapawalang – bisa ni Lorenzana sa kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at UP.
Noong Hunyo 1989 pa ang kasunduang ito.
Pinagtibay lang nito ang kasunduan nina Defense Minister Juann Ponce Enrile at pambansang tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS) na si Sonia Soto kung saan nilagdaan nilang dalawa noong 1981.
Ang dami-daming problema ng Pilipinas ngayon, ngunit biglang umaksiyon si Lorenzana laban sa UP.
Sigurado ako na walang nakapag-isip na ‘papatayin’ ni Lorenzana ang nasabing kasunduan dahil hindi pagsali ng mga mag-aaral ng UP sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New
People’s Army (NPA) ang pangunahing problema ng bansa ngayon.
Hindi rin CPP at NPA ang problema ng pamunuan ng UP.
Ang suliranin ng UP-Diliman ay kulang ang kanilang espasyo na paradahan ng mga sasakyan.
Matagal nang problema ng maraming mayayamang estudyante ng UP-Diliman ang parking area.
Hindi aktibismo at armadong pakikibaka dahil kakaunti na lang ang aktibista rito.
Kahit nga ang katabi nitong barangay na napakaraming nakatirang mahihirap ay hindi naging pugad ng CPP-NPA.
Ibig sabihin, hindi nakumbinsi ang mga maralitang – tagalungsod na sumapi ng mga organisasyong nakaugnay sa CPP-NPA at sa CPP mismo upang maging komunista, o NPA upang maging pulang mandirigma.
Kahit si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi nag-isip na wakasan ang kasunduang DND-UP.
Katunayan, ayon sa tagapagsalita niyang si Secretary Harry Roque Jr., hindi ipinaalam, o hindi humingi ng pahintulot si Lorenzana kay Duterte, bago birahin ang nasabing lumang kasunduan.
Gayunpaman, suportado umano ni Duterte ang desisyon ni Lorenzana, banggit ni Roque.
Nanindigan si Lorenzana sa kanyang ginawa kahit kaliwa’t kanan ang kritisismong inaabot niya.
Katunayan, nakiisa na rin ang ibang organisasyon sa UP tulad ng Partido Manggagawa (PM), Federation of Free Workers (FFW) at ang kinabibilangan nitong pinakamalaking alyansa ng mga
pederasyon at unyon ng mga manggagawa mula sa maraming panig ng bansa at ilang senador at kongresista.
Ngunit, mukhang hindi patitinag at hindi susuko si Lorenzana.
Maging ang kahawig na kasunduan sa pagitan ng DND at Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Maynila noong 1990 ay tatapusin na rin umano ni Lorenzana.
Ayon kay Lorenzana, ang UP ay naging pugad ng aktibismo.
Naging lungga ito ng mga kaaway ng estado, birada ng kalihim.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi lang naman UP ang naging matindi ang aktibismo.
Matindi rin ang aktibismo sa PUP, Lyceum of the Philippines, University of the East, Manuel L. Quezon University, Far Eastern University, University of Sto. Tomas, Adamson Universty at marami pang iba.
Ngunit, humina ang aktibismo sa lahat ng pamantasang ‘yan, kasama na ang UP.
Ang paghina ay epekto ng matinding tunggalian sa loob ng CPP (Re-affirmist at Rejectionist) mula huling mga taon ng dekada 1980 at unang mga taon ng sumunod na dekada.
Kung lalawakan ni Lorenzana ang kanyang pagsusuri at pag-aaral sa UP, madidiskubre na higit na matindi ang UP sa pagiging ‘nanay’ nito sa mga tradisyonal na politiko.
Hindi ba’t napakaraming mga tradisyonal na politiko ang ipinanganak sa UP?
Dapat binira rin ni Lorenzana ang mga ito dahil malaking problema rin ng Pilipinas ang mga trapo, maliban sa mga komunista at rebelde.
Kung ang mga komunista ay inakusahan ng pamahalaan na nangingikil sa mga malalaking korporasyon upang regular na magbayad ang mga ito ng rebolusyonaryong buwis para mabusog at maging masagana ang buhay ng mga namumuno sa CPP at NPA, kabilang na ang pangkat ni Jose Maria Sison sa The Netherlands, ganoon din naman ang mga politikong tradisyunal.
Ang mga trapo ay sangkot sa serye ng katiwalian, korapsyon at pandarambong sa iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.
Hindi ko tututulan kung ang plano ni Lorenzana ay ipadakip at ipakulong ang mga pinaniniwalaan ng DND na mga kadre ng CPP, kasapi ng NPA at aktibista na nakabase sa UP.
Ito ay kung kasama rin sa plano ni Lorenzana ang pagpapahuli at pagpapakulong sa tradisyonal na mga politikong sangkot sa katiwalian, korapsyon at pandarambong sa pamahalaan.
