NAGPASAKLOLO kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang isang Filipino-Chinese contractor
upang harangin ang umano’y katiwalian sa foreign assisted projects loan ng Department of Public
Works and Highways (DPWH).
Sa mga liham na ipinadala ng isang nagpakilalang Jingxy Fu, ng China Gezhouba Group Corporation
Limited, na may tanggapan sa High South Corporate Tower, 26th St., corner Avenue, Bonifacio
Global City, Taguig City, sa Office of the President noong Hulyo 16, 2020 at sa tanggapan ni Sotto,
noong Hulyo 20, 2020, sinabi nito nais niyang ipabatid sa mga naturang opisyal ang nagaganap
umanong ‘severe syndication and corruption’ sa foreign assisted projects ng DPWH.
Partikular na tinukoy nito ang Rio de Grande Mindanao project na nagkakahalaga ng
P30,322,381,952.44 na halaga ng foreign loan.
Tinukoy ni Fu sa kanyang sulat si DPWH Undersecretary Emil Sadain ng Operational and Technical
Services at iba pang kasabwat umano sa illegal contracting ng foreign projects.
“He (Sadain) is also accountable in pursuing the Chinese Embassy to be repeatedly recommending
their contracted bidder because he will receive a kickback that is delivered in his main office and to
be received by his partner,” saad pa sa sulat ni Fu kay Sotto.
Sa alegasyon din ni Fu, binigyan anya si Sadain ng kapangyarihan na pasukin ang mga kontrata ni
DPWH Sec. Mark Villar, isang Mr. Escandor, maging ni Presidential Son Paolo Duterte at Mr. Jacky
Pong ng POGO Industry.
Ibinulgar din nito na noong pre-bidding, nilapitan sila ng kinatawan ng Sinohydro Corporation ng
China na ang proyekto ay para sa China Geo and China State Construction Co. dahil naglabas na sila
ng 2% cash advance.
Nabatid na naka-attach din sa liham na ipinadala ni Fu sa tanggapan ni Sotto ang mga ebidensiya
ng sinasabi niyang korapsiyon na nagaganap sa proyekto. (DANG SAMSON-GARCIA)
