ANTI-E-SUGAL BILL NADAGDAGAN

NADAGDAGAN pa ang bilang ng mga mambabatas na nagsusulong ng panukalang batas laban sa online gambling subalit hindi itinutulak ang tuluyang pagbabawal nito tulad ng ginawa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Kahapon ay pormal nang inihain nina Akbayan party-list Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña, Dadah Ismula at Dinagat Island Rep. Kaka Bag-ao ang House Bill (HB) 1351 o Kontra E-Sugal Act of 2025 na una nilang ipinangako.

Karagdagan ito sa HB 721 na unang inihain nina Bukidnon Reps. Jonathan Keith Flores, Rep. Jose Manuel Alba, Rep. Audrey Zubiri, Rep. Laarni Roque at Swerte party-list Rep. Arlyn Ayon noong nakaraang linggo.

Gayunpaman, sa ilalim ng grupo ni Diokno, hindi tuluyang ipagbabawal ang online gambling kundi lilimitahan sa 21-anyos lamang ang pwedeng magsugal upang maiiwas sa nasabing bisyo ang mga kabataan.

Upang maisakatuparan ito, istriktong ipatutupad ang “Know-Your-Customer (KYC) protocols” kung saan kailangang magpakita ng National ID o anomang pagkakakilanlan na inisyu ng gobyerno para patunayan na nasa edad ang isang parukyano ng online gambling bago ito irehistro.

“We need a whole-of-government approach if we want to combat the ill effects of online gambling. ‘Wag nating hayaang isugal ng ating mga kababayan, hindi lang ang kanilang pera kundi pati buhay at pangarap,” ayon pa kay Diokno.

Target naman ng panukala ng Bukidnon solon na idiskonek lamang ang mga e-wallet platform sa mga online gambling.

Base sa nasabing panukala na pinonente ni Flores, papatawan ng mataas na multa ang mga e-wallet platforms kapag nagpagamit sa mga online casino at iba pang kahalintulad na sugal.

Nakasaad sa HB 721 na pagmumultahin ng P100,000 hanggang P500,000 at may warning ang mga e-wallet platform sa unang paglabag; P500,000 hanggang P1 milyon na may kasamang suspensyon sa pangalawa at P1 milyon hanggang P5 milyong multa at pagbawi sa kanilang lisensya sa pangatlong paglabag.

“Online gambling is a moral, financial and public health concern. Without proper safeguards, e-wallets risk becoming traps for vulnerable Filipinos and safe havens for gambling addiction,” paliwanag sa panukala nina Flores subalit tulad ng HB 1351 nina Diokno ay hindi tuluyang ipagbabawal ang online gambling.

(BERNARD TAGUINOD)

38

Related posts

Leave a Comment