(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
HINAMON ng mga concerned citizen at ilang civic groups sa Oriental Mindoro si MIMAROPA Police Regional Office Director Police Brigadier General Sidney Sultan Hernia na patunayang seryoso ang kanilang kampanya kontra ilegal na sugalan.
Kasunod ito ng operasyon kamakailan ng mga tauhan ni Hernia laban sa Peryahan ng Bayan sa nasabing lalawigan na pinagdududahan na palabas lamang o moro-moro.
Tanong ng ilang residente, bakit isang operator ng Peryahan ng Bayan o PNB ang hinuli at kinasuhan ng pulisya?
“Sa laki ng Oriental Mindoro e isa lang hinuli at tinuluyan ng kaso na illegal gambling. Bodavil na hulihan. Mga tao pinagtatawanan siya. Lokohin niya ang sarili niya,” patutsada kay Hernia ng isang barangay lider na humiling na huwag siyang pangalanan.
Ayon sa mga nagrereklamo sa talamak na PNB sa Oriental Mindoro, makukumbinsi lamang sila na seryoso ang kampanya ng lokal na pulisya kontra ilegal na droga kung huhulihin at kakasuhan ang lahat ng mga may ilegal na pasugalan sa lalawigan.
Sumbong naman ng grupo ng mga barangay tanod sa isang bayan sa Or Mindoro, may ilang nagpapakilalang pulis ang nambabraso sa mga operator ng PNB para manghingi ng regular na ‘payola’ para umano hindi magambala ang operasyon ng mga ito.
Anila, umaabot sa P3 milyon kada buwan ang payola na tinatanggap ng mga kolektor ng mga protektor ng nasabing pasugalan.
Nauna nang iniulat ng SAKSI Ngayon na laganap na ang operasyon ng PNB sa 15 lokalidad ng naturang lalawigan bunsod ng di umano’y pamumwersa ng isang mataas na opisyal na nanggigipit sa mga alkalde para bigyan ng pahintulot ang operasyon ng iligal na palaro ng Globaltech Mobile Online Corp. na nasa ilalim ng pangangasiwa ng isang Chito Mañalac.
Nang busisiin ang rekord ng naturang kumpanya, lumalabas na tanging ang Globaltech ni Mañalac ang binigyang pahintulot ng nakaraang administrasyon para mag-operate ng Peryahan ng Bayan.
Gayunpaman, mula 2019 hindi umano nakapagremit ang nasabing kompanya ng karampatang bahagi ng kita sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nagbunsod para magpalabas ng direktiba si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang malawakang operasyon ng Peryahan ng Bayan noong Enero 2020.
Buwan ng Pebrero nang maglabas naman ng direktiba ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) at hanay ng mga gobernador, alkalde at iba pang lokal na opisyal para sa agresibong pagtugis at pagsasampa ng karampatang kaso sa piskalya laban sa mga mahuhuling patuloy na nag-ooperate ng Peryahan ng Bayan sa lahat ng sulok ng bansa.
Gayunpaman, buwan ng Marso nang ilabas ni dating Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang isang kalatas na hulihin ang mga manager, operators, agents at empleyado ng illegal numbers games – maliban sa Globatech ni Mañalac.
Mayo naman nang atasan ng Department of Justice (DOJ) ang pag-usig sa Globaltech dahil sa tahasang pagbalewala sa kautusan ng Palasyo.
Sa pagsasaliksik ng SAKSI NGAYON, lumalabas na nananatili sa talaan ng mga delinkwenteng kumpanya ang Globaltech ni Mañalac na kumakaladkad sa pangalan ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor.
Tugon naman ng Globaltech, ang pambayad nila sa PCSO ay nakatago lang sa bangko habang dinidinig pa ang arbitration sa pagitan ng Peryahan ng Bayan at PCSO.
Sa isang panayam, hayagang sinabi ng isang alkalde (na ayaw muna magpabanggit ng pangalan sa takot na pag-initan), na ginigipit sila ng isang mataas na opisyal ng kanilang lalawigan.
Paglilinaw ng PCSO, matagal nang ibinasura ang permit to operate ng Globaltech sa bisa ng “termination” sa Deed of Authority (DO) na iginawad sa nasabing kompanya.
