DOE agad pinakilos ni PBBM KURYENTE PARALISADO SA N. ECIJA AT AURORA

(CHRISTIAN DALE)

INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Energy (DOE) na kaagad mag-deploy ng generators na may kasamang langis sa mga lugar sa Nueva Ecija at Aurora na may limitadong power supply resulta ng pananalasa ng Super Typhoon Karding.

Sa situation briefing kasama ang top government officials sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) headquarters sa Quezon City, inilahad ni DOE Secretary Raphael Lotilla na bukod sa Nueva Ecija at Aurora, nahaharap din sa problema sa power supply ang Tarlac, Zambales, Pampanga, at Quezon.

Sinabi ni Lotilla na bagama’t ang main generation plants ay nailigtas mula sa bagyo, may ilang lugar ang ‘partially affected’ ng usapin ng power supply.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng Pangulo na hindi agad maibabalik ang suplay ng kuryente kaya inatasan ang DOE na kagyat ikasa ang “stopgap measures” gaya ng pagde-deploy ng mas maraming generators na may langis.

“I think for the power we’ll just have to wait. It’s a little — it really is a little early for us to — kasi more complicated ang assessment ng power network kaysa sa mga ibang ano,” wika ni Pangulong Marcos.

“But as a response already, since I’ve already identified that the whole of Nueva Ecija and the whole of Aurora have no power, we need to send them power,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Samantala, pinaalalahanan naman ng Punong Ehekutibo ang National Irrigation Administration (NIA) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magbigay babala sa pagpapakawala ng tubig mula sa Ipo at Magat dams para pigilan ang malawakang pagbaha.

“Bantayan ninyo mabuti. We don’t want that incident to happen na sabay-sabay nagbitaw, hindi nag-warning sa affected areas na magbibitaw ng tubig kaya nagkaproblema. You be very very careful about that,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.

Sa pareho pa ring briefing, ipinanukala naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang pagtatayo ng permanenteng evacuation centers na nakahiwalay sa mga eskwelahan.

“…We really need to have an evacuation center in every municipality lalo na in every flood-prone area,” ayon sa Kalihim.

Kinilala naman ng Punong Ehekutibo ang panukala ni Tulfo bilang “good point” at inatasan ito na magsagawa ng “quick study” kung paano kaagad na makababalik sa kani-kanilang mga tahanan ang displaced individuals matapos na sila’y “partially o completely damaged” mula sa malakas na ulan at hangin dahil sa bagyong Karding.

Bilang tugon, winika naman ni Tulfo na aabot ng tatlo hanggang apat na araw para magawa nilang makumpuni ang “partially damaged” na bahay matapos makatanggap ng tulong mula sa Assistance to individuals in crisis situations (AICS) program ng DSWD.

Samantala, tinukoy naman ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng maagang pagtutulungan ng national at local governments, lalo na pagdating sa usapin ng “evacuation efforts” upang mapigilan na maulit ang mga ‘untoward incidents.’

“I think the preparation that we did all day yesterday, just making sure that everything was prepositioned, we had the plan for whatever would happen. You might think we overdid it, there’s no such thing as overkill when it comes to disasters. Tama ‘to, put everything in place. Mabuti nang sobra, kaysa kulang,” aniya pa rin.

Pinuri rin niya ang mga lokal na opisyal na “good job” sa pagbibigay ng updates sa sitwasyon at pagpapahayag ng mga susunod na hakbang na kailangan nilang gawin.

“The LGUs [local government units] did a good job explaining what the situation was, what needs to be done, anong plano. I think this is a good illustration of how that can really help. So that’s the approach we will take always,” ayon sa Pangulo.

“Since we’ve done this so many many times, we know what we need to do, we just have to do it. It comes back down to the coordination,” dagdag na pahayag nito.

Siniguro naman ni Pangulong Marcos sa publiko na kapwa hindi magpapakampante ang national at local governments hanggang ang mayorya ng displaced individuals ay ligtas na makabalik sa kanilang tahanan.

Aerial Inspection

Kasunod ng briefing sa iba’t ibang opisyal ng pamahalaan, nag-aerial inspection si Pangulong Marcos Jr. sa mga lugar na labis na naapektuhan ng Super Typhoon Karding.

Sakop ng ginawang inspeksyon ng Pangulo kasama sina SAP Anton Lagdameo, DND Usec Jose Faustino, DILG Sec. Benhur Abalos, DSWD Sec. Erwin Tulfo at DoE Sec. Raphael Lotilla ang mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija at Tarlac.

Sinabi pa ng Pangulo na nakahanda na ang DSWD na magbigay ng tulong sa mga apektadong residente kabilang na ang pagkain at tubig.

“The DSWD is also prepared to provide AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situations) for them. They need assistance… the whole range of assistance is prepared, ready to go,” ang wika ni Pangulong Marcos.

“But right now, having cash is really not useful for them. So, unahin natin ‘yung immediate needs nila. And when the time comes magagamit na nila ‘yung AICS, bibigay natin sa kanila,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Ang AICS ay isa sa mga programa ng DSWD sa ilalim ng Protective Services Program, layunin nito na magbigay ng financial at material assistance, psychosocial support, at referral services sa mga indigents o sa mga crisis individuals at sa kanilang pamilya na sumailalim sa assessment ng social workers.

Samantala, kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tuluyan nang lumisan sa kalupaan ang bagyong Karding na huling namataan sa baybaying dagat na sakop ng Northern Zambales.

Sa kabila ng paghupa ng sama ng panahon, walang klase kahapon sa lahat ng antas sa Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, Regions 1, 2, 3, at Cordillera Administrative Region upang bigyang daan ang pagsasaayos ng mga lansangan at istrukturang hinampas ng bagyo.

859 Pamilya Displaced

Sa huling ulat, nasa 850 pamilya ang displaced dahil sa Super Typhoon Karding na nanalasa sa Luzon, araw ng Linggo.

Iniulat ito ng NDRRMC sa kanilang initial situation report kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ng ahensiya na ang pigura ay may katumbas na 3,097 indibidwal. Sa nasabing bilang, 168 pamilya o 653 katao ang nakatira sa 28 barangays sa Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Habaang ang 682 pamilya o 2,444 katao ay nauna nang inilikas sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas.

May 147 pamilya naman ang dinala sa shelter sa loob ng 34 evacuation centers na ang natitira ay tinutulungan ng mga kamag-anak at kaibigan.

Dalawang lansangan naman sa Bicol Region ang hindi madaanan.

Mayroon namang 47 ports o daungan ang napaulat na suspendido ang operasyon o non-operational, hanggang kahapon.

Iniulat din ng NDRRMC na may 2,737 pasahero ang stranded kasama ang 260 rolling cargoes, 24 vessels, at 13 motorbancas sa Calabarzon, Mimaropa at Bicol regions.

Ang initial damage sa imprastraktura ay umabot na sa P1 milyon sa Mimaropa.

5 Rescuers Namatay

Patay ang limang miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nang tumaob ang sinasakyan nilang rescue boat at malunod sanhi ng flash flood habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kasagsagan ng pananalanta ni Super Typhoon Karding, Linggo ng hatinggabi sa bayan ng San Miguel, Bulacan.

Ito ang kinumpirma ni Bulacan Governor Daniel Fernando, chairman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Ang mga biktima na sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Narciso Calayag at Jerson Resurrecion ay nasawi habang nagsasagawa ng rescue operation sa Sitio Banga-banga sa Barangay Kamias.

Sa imbestigasyon ng lalawigan, piniling sumakay ng bangka ang mga biktima matapos tumirik sa malalim na bahagi ng nasabing bayan ang trak na gagamitin sana sa paglilikas ng mga nalalabing apektadong pamilya.

Nagpaabot na ng pakikiramay sina Gob. Fernando at Vice Gob. Alex Castro sa mga naulilang pamilya at nangakong magkakaloob ng tulong sa mga tinaguriang fallen heroes ng Bulacan Rescue Team.

Samantala, nasa 2,000 katao naman ang nananatili sa mga itinalagang evacuation centers sa lalawigan.

Naghanda naman ang provincial government ng nasa 1,000 family food packs (FFP), at karagdagang 20,000 packs na ipamamahagi sa mga Bulakenyong apektado ng super typhoon.

Highway Lubog sa Baha

Binaha rin ang ilang bahagi ng national highway sa Manila East road sakop ng bayan ng Mabitac, Laguna dahil sa mga pag-ulan dulot ng bagyong Karding.

Ayon sa Laguna PDRRMO, nasa may kalahating kilometro ang haba ng kalsada na nalubog sa tubig-baha sa pagitan ng bayan ng Mabitac at Sta. Maria.

Nagsimula umanong tumaas ang tubig dakong alas-2:00 ng madaling araw nitong Lunes matapos huminto ang pag-ulan.

Nanggaling umano ang tubig sa matataas na bahagi ng lugar na kalapit lamang ng kabundukan ng Sierra Madre.

Dahil dito, stranded ang maraming motorista sa magkabilang dulo na patungo sa Metro Manila at Rizal galing sa Laguna at Quezon at vice versa.

Samantala, maging sa town proper at 7 barangay ng Mabitac ay hanggang binti ang baha.

Pinsala sa Polillo Islands

Tumambad kahapon ng umaga ang nakapanlulumong pinsalang idinulot ng Super typhoon Karding sa bayan ng Burdeos, Quezon kung saan unang nag-landfall ang bagyo.

Mga wasak na kabahayan, natumbang mga puno at iba pang imprastrukturang nasira ang tumambad sa mga residente.

Alas-5:30 Linggo ng hapon naitala ang pag-landfall ng bagyo, batay sa weather bulletin ng PAGASA.

Ayon kay Quezon PDRRMO head Dr. Mel Avenilla, nitong Lunes pa lamang nagsimula ang assessment ng mga LGU sa kabuuang pinsalang tinamo ng kani-kanilang bayan partikular sa mga bayan sa Polillo group of islands na siyang nasentruhan ng unang hagupit ng bagyo.

Wala pa ring supply ng kuryente sa bayan ng Polillo, Burdeos at Panukulan. Maging sa Jomalig at Patnanungan na pawang sakop ng Polillo Group of Islands.

Sa bayan ng Panukulan, halos naubos ang maliliit na bahay na gawa sa lightweight materials.

Napinsala rin ang mga paaralan at covered courts.

Nakapagpadala na umano ng food packs at housing materials ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga nasalantang lugar. (May dagdag na ulat sina JESSE KABEL, ELOISA SILVERIO at NILOU DEL CARMEN)

195

Related posts

Leave a Comment