ANTI-POLITICAL DYNASTY, REPORMA SA PARTY-LIST HIHIMAYIN NA NG KAMARA

TUTUTUKAN ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapatibay ng anti-political dynasty bill at ang reporma sa party-list system sa pagbabalik-sesyon ng Kamara sa Enero 26, 2026.

Ito ang sinabi ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos kaugnay ng mga panukalang batas na bibigyang-prayoridad ng Kamara matapos ang Christmas break.

Ayon kay Marcos, kabilang ang mga nasabing panukala sa 17 Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) items na kasalukuyang tinatrabaho ng mga Technical Working Group (TWG) at inaasahang matatapos sa committee level.

Una nang naipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang 12 sa kabuuang 48 LEDAC items, habang ang natitirang lima ay lumusot na sa committee level at kasalukuyang nasa House Committee on Ways and Means para sa pagpopondo.

“Our target when we return from recess is to move as many of the social protection, health, education and good governance measures up the pipeline, from TWG briefings to committee reports, then to the floor,” ani Marcos.

Samantala, sinabi ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na kapag naamyendahan ang party-list system, hindi na ito maaaring gamitin ng mga kontraktor at malalaking negosyante bilang paraan upang magkaroon ng raket sa gobyerno.

Dagdag pa ni Diokno, ipagbabawal din ang mga party-list group na hinango sa programa ng gobyerno, pati na ang paggamit ng mga pangalan ng public officials, celebrities, at maging ng mga television at radio program.

“Our bill seeks to restore the true intent of the law and keep the party-list system out of the hands of those who seek to exploit it. It also guarantees that marginalized sectors have a real voice in Congress, enabling them to fight for their rights and welfare,” ani Diokno kaugnay ng House Bill 7074 na naglalayong amyendahan ang party-list system.

Kabilang sa mga probisyon ng panukala ang pagtanggal sa limitasyong hanggang tatlong puwesto lamang ang maaaring mapanalunan ng isang party-list organization kahit pa lumabis ang botong nakuha nito.

“The limit contradicts the Constitution’s intent to achieve proportionality,” paliwanag ni Diokno.

(BERNARD TAGUINOD)

31

Related posts

Leave a Comment