ANTI-TERROR LAW MASUSUBUKAN SA JOLO BOMBINGS

MAGSISILBING acid test umano ngayon ang pinagtibay na Anti-Terrorism Act of 2020 sa naganap na kambal na pambobomba sa Jolo, Sulu na kumitil ng buhay ng 17 katao.

Ayon kay Armed Forces chief of staff Gen. Gilbert Gapay, pabor siya sa pagpapairal ng martial law sa Mindanao bilang isa sa mga option na kinukonsidera para mabilis na makapagsagawa ng mga pag-aresto at pagtutok sa pagkilos ng mga hinihinalang terorista.

Subalit ayon kay Gen. Gapay, habang inaantabayanan nila ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung kailangan bang magdeklara muli ng batas militar sa Mindano ay maaari naman nilang magamit ang Presidential Proclamation 55 na nauna nang inisyu ng pangulo nuong 2016.

Nabatid na umiiral pa rin ang nasabing Proclamation at kailangan lamang ang mahigpit na implementasyon nito.

Sinasabing matagal pang proseso ang pagpapatupad ng batas militar kahit irekomenda ito ng AFP sa Defense Department at sa Malacañang dahil dadaan pa umano ito sa Kongreso.

Matatandaang namatay sa twin bombings ang 17 katao kabilang ang walong sundalo, isang pulis, anim na sibilyan at ang dalawang babaeng suicide bombers.

Kaugnay nito, kinastigo ni Senate President Vicente Sotto III ang Philippine National Police (PNP) sa implementasyon ng Anti-Terrorism Act of 2020 kaya’t hindi na kailangan pang magdeklara ng martial law sa Sulu matapos ang kambal na pagsabog nitong Lunes.

Sa panayam, sinabi ni Sotto na naisabatas na ang Anti-Terrorism Act noong nakaraang buwan, kaya dapat executory na ito.

“Attention PNP- the Anti Terror Law is in effect, with or without IRR! Ano hinihintay? Pasko?” aniya sa kanyang Twitter.

“Batas na ‘yun. Hindi kailangan ng IRR doon. Kung gusto nila gumawa ng IRR, go ahead pero executory immediately ‘yung batas kaya huwag na nilang sabihing hihintayin nila IRR,” aniya.

Kamakailan, Inirekomenda ni Philippine Army chief Lieutenant General Cirilito Sobejana na isailalim sa martial law ang buong Sulu matapos ang kambal na pagsabog sa Jolo.

Sinabi naman ni PNP spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac na mapatitibay ang implementasyon ng Anti-Terror Law kapag may martial law sa lugar.

Ngunit, tinabla ito ni Sotto – isa sa ilang senador na kumokontra sa martial law, dahil mayroon nang Anti-Terror Law.

Aniya, maaaring ideklara ang martial law sa Sulu kung konektado ang kambal na pagsabog sa pananakop o rebelyon. (JESSE KABEL/ESTONG REYES)

166

Related posts

Leave a Comment