ANYARE HARRY?

“IF you want to test a man’s ­character, give him power”

Yan ang sinabi ni United States President Abraham Lincoln sa kanyang speech sa Washington D.C noong Enero 16, 1883 na hanggang ngayon ay bagay na bagay sa mga public officials sa lahat ng parte ng mundo kasama na siyempre ang Pilipinas.

Agad na pumasok sa isip ko ang mga katagang ito ni Lincoln nang marinig ko ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi dapat choosy ang mga Filipino sa bakunang ituturok sa kanila.

Parang ang layo sa karakter ni Harry noong wala pa syang poder sa gobyerno… noong nagtatanggol pa lamang siya sa mga biktima ng mga kontrobersyal na kaso.

Bago naging Congressman si Roque noong 2016 sa ilalim ng Kabayan party-list, marami siyang fans dahil sa pagiging human rights lawyer. Pinapasukan pa niya ang mga kontroberyal na kaso tulad ng pang-aapi ng China sa mga ­mangingisda sa Zambales, ang pagpatay ng Amerikanong sundalo sa transgender na si Jennifer Laude, at iba pa.

Tumayo din syang abogado ng mga biktima ng Maguindanao massacre at nagtatanggol sa soberenya ng Pilipinas at kung ano-ano pang mga kaso na nakatulong sa kanya para makilala sya ng madla.

Noong Congressman siya, lagi niyang ipinangangalandakan sa mga press conference ang kaalaman niya sa international law, karapatang pantao at alam mong talagang nag-aaral sya.

Pero nang maging Spokesman siya ni Pangulong Duterte, parang naglaho ang maayos na pangangatuwiran ni Mr. Roque. Laging wala sa hulog ang kanyang mga sagot.

Marami na siyang sablay kaya may mga taong ikinukumpara ang kanyang sinabi noon at ngayon sa isang isyu o bagay at alam mong nabaluktot na ang dati niyang sinabi sa sinasabi nya ngayon.

Kaya marami ang nagtatanong…. anong nangyari sa ‘yo Harry? Bakit biglang naglaho o nagbago ang isang pangangatuwiran ng isang dating Roque sa Roque na tumatayong taga-pagsalita ng Pangulo?

Yan na ba talaga ang karakter mo na pilit mong itinago noong wala ka pang kapangyarihan sa gobyerno?

Sabagay, hindi lang si Roque ang may ganyang karakter na binabago ng kapangyarihan. Hindi man lahat, marami sa mga lider ng bansa ang nagbabago kapag nagkaroon na ng kapangyarihan.

Kapag panahon ng kampanya, ang babait nila sa inyo. Kayo ang pinupuntahan para kamayan at sabay bulong sa inyo na huwag nyo siyang kalimutan pagdating ng halalan.

Ikaw naman na uto-uto, iboboto mo siya at kapag nanalo na sila ay hindi na iyan lalapit sa inyo para kayo ay kamayan. Ikaw na ang pupunta sa kanyang opisina at suwerte mo kung harapin ka nya.

Nagagalingan ka rin sa kanya dahil sa buladas nya kaya mo siya ibinoboto pero kapag naluklok na ay iba na ang ginagawa. Nilalabag na ang karapantang pantao mo at hindi tinutupad ang ipinangako nya sa inyo.

At hindi lang ang mga pulitiko ang nagbabago ha, pati ang mga appointees nya. Mas malala pa nga sila eh.

101

Related posts

Leave a Comment