ANYARE SA TAX CREDIT SCAM?

FOR THE FLAG

SA aking pagkakaalala, may natisod si Department of Finance (DOF) Sec. Sonny Dominguez na tax credit scam. Ano na ang status ng imbestigasyon? Bilyun-bilyong pisong pera ng taumbayan ang involved dito. What na, secretary?

Noong 1999 hanggang 2001, ako’y nagsilbi bilang press consultant sa Philippine Board of Investments (BOI), isang ahensiya ng pamahalaan na naatasang mag-promote ng investment climate sa bansa at humimok ng investors mula sa iba’t ibang nasyon.

‘Yan ding mga panahong ‘yan na nabanggit ko nang ang isa sa suliranin ng BOI ay ang pagkakadawit nito sa multi-bilyong pisong tax credit scam, na maya’t maya ay naipupukol sa imahe ng ahensiya, bagaman sa DOF ito pinal na naire-release ay mayroong One Stop Shop sa BOI kung saan ang inquiries at initial na pagpuproseso sa claims ay inihahatag.

Ilang mga opisyal ng DOF at mga pribadong kompanya noon ang nakasuhan ukol sa may higit P9 bilyon na anomalya na inipon sa mga bulsa ng mga nagsabwatan mula 1992 hanggang 1998. Ngunit namahika ang mga kaso, puro na-dismiss ng Korte Suprema ang plunder charges na ikinaso sa DOF officials at ang katangi-tanging na-convict ng Sandiganbayan ay ang isang corporate secretary ng isang pribadong kompanya sa kasong graft na ang involved na halaga ay higit P1 milyon lamang.

Maliwanag, ang maliit na isda ipinrito, ang malalaking isda at mga buwaya ay pawang pinakawalan.

Heto na naman. Nadiskubre at ibinunyag ni DOF Secretary Dominguez na may P11 bilyon tax credit scam na naman sa departamento.

Ang tax credit scam ay direktang pagnanakaw sa kaban ng taumbayan at direktang panloloko sa mamamayan.

Pinapayagan ng tax credit certificate na nagsisilbing salapi rin na ipambayad o ipang-awas ang mga nasabing certificate sa kani-kanilang mga dapat bayaran na buwis sa gobyerno. Ngunit dahil sa sabwatan ng mga opisyal ng DOF at mga pribadong kompanya ay nakakapag-isyu ng tax credit certificates sa bogus na claims kapalit ang under-the-table at iba pang konsiderasyon na sila-silang mga nagtransaksyon na lamang ang nakaaalam.

Bakit muling nangyayari ito? Kasi nga pinalusot ng ating mga korte, lalung-lalo na ng Korte Suprema ang nasangkot na executives noon ng DOF at maging ang mga may-ari ng mga kompanyang sangkot.

Dapat tutukan ito ni Sec. Dominguez kung hindi ay paulit-ulit na mangyayari ito, at nararapat ding imbestigahan ang mga korteng humawak dito, maaaring nakinabang ang ilang mga husgado dito maging ang ilang mahistrado ng Korte Suprema.

Hindi dapat nananahimik si Sec. Dominguez ukol dito.

454

Related posts

Leave a Comment