(JOCELYN DOMENDEN)
SA pag-arangkada ng nationwide gun ban nitong Linggo ay apat na indibidwal agad ang nahuli.
Ang gun ban at pagpapatupad ng checkpoints sa bansa ay sinimulan kahapon January 12 hanggang June 11, 2025, bilang bahagi ng election period para sa nalalapit na May 2025 midterm elections.
Mismong si PNP Chief General Rommel Francisco Marbil ang nag-ulat sa pagkakahuli sa gun ban ng apat katao, sa isang ambush interview.
Kaugnay nito ay mahigit isang libong checkpoints ang ipinakalat sa iba’t ibang lungsod at bayan upang maiwasan ang election related violence.
‘Di Kailangan
Buksan Sasakyan
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang magbabantay sa mga checkpoint na magpapatupad ng ‘plain view doctrine’ o ‘yung nakikita lamang ng mata sa labas ng sasakyan.
Hindi kailangang buksan ng motorista ang kanilang compartment, trunk o bag maliban kung may malinaw na rason na naaayon sa batas.
Hinimok ni Garcia ang publiko o motorista na makipagtulungan sa mga awtoridad sa nakalatag na mga checkpoint.
Checkpoints
Sa Calabarzon
Sa Region 4A, katuwang ng Comelec ang Police Regional Office 4A (PRO 4A) sa sabayang checkpoint operation sa National Highway, Brgy. Halang, Calamba City, Laguna nitong Linggo.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11067, isinagawa ang checkpoint operations na layong tiyakin ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa panahon ng eleksyon.
Kaagapay sa operasyon ang mga opisyal ng Comelec, lokal na pulisya, at mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nagpapatibay sa epektibong seguridad sa buong rehiyon.
Sa direktiba para sa police regional directors, inatasan ni Regional Director PBGen Paul Kenneth T. Lucas ang pulisya sa buong rehiyon na maglagay ng hindi bababa sa isang checkpoint sa bawat lungsod at munisipalidad.
Ang pag-deploy ng sapat na pulis sa mga checkpoint ay tutugon sa anomang potensyal na banta o ilegal na gawain, ayon pa kay Lucas.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga pangunahing opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang sina Comelec Regional Election Director Atty. Allan S. Enriquez; Assistant Regional Election Director Atty. Margaret Joyce M. Reyes-Cortez, at Provincial Election Supervisor ng Laguna na si Atty. Patrick E. Enaje.
Naroon din si NAPOLCOM 4A Regional Director Atty. Owen G. De Luna; BGen Ronald Jess S. Alcudia mula sa Philippine Army, at FSSUPT Maria Victoria Brual ng Bureau of Fire Protection 4A.
Nagpakita rin ng suporta ang mga opisyal ng Philippine Coast Guard na sina Ensign Neptali L. Rofuli Jr. at LTJG Maureen G. Rodriguez.
Send-Off Sa Cavite
Sinimulan din ng Cavite Police Provincial Office (PPO) ang paglalatag ng checkpoint sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Cavite.
Matapos ang isang Send-Off Ceremony sa Camp Gen. Pantaleon Garcia na dinaluhan ng Cavite PNP, Philippine Army, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, SWAT Team at Non-Government Organizations, pinangunahan nina Cavite Provincial Director Police Col. Dwight E. Alegre at Cavite Provincial Election Officer Mitzele Veron Morales-Castro, ang malawakang checkpoint sa Lancaster Brgy. Alapan 2 – A Imus City, Cavite, bandang las-8:00 kahapon ng umaga.
Paliwanag ni Police Col. Alegre, plain sight viewing lang ang gagawing pagsita at pag-inspeksyon sa mga motorista at ‘di puwedeng buksan ang ang sasakyan kundi kung saan lang ang abot ng mga mata.
Para naman kay Atty. Castro, inaasahan din niya na magkakaroon ng peaceful election ang Cavite at kahit wala sa red o orange category ang lahat ng cities and municipalities ay patuloy silang magmo-monitor.
Dagdag pa ni Atty. Castro, wala pang naitalang anomang election related violence o untoward incident sa Cavite.
Kasabay, nito ay epektibo na rin ang gun ban at liquor ban. (May dagdag na ulat sina NILOU DEL CARMEN/SIGFRED ADSUARA)
