CLICKBAIT ni JO BARLIZO
BUMAGAL ang takbo ng ekonomiya ng bansa sa 4% nitong third quarter ng taon. Ito ang pinakamababang lebel sa loob ng higit isang dekada kung hindi isasama ang panahon ng pandemya.
Ayan, isa raw sa dahilan ang korupsyon sa flood control projects at ang epekto ng mga kalamidad.
Naku, hindi pa mawawala ang isyu ng eskandalo ng korupsyon kaya malabong makamit pa ang paglago ng ekonomiya sa 5.5 hanggang 6.5 porsyento ngayong taon.
Dahil lugmok ang ibang nasalanta ng mga kalamidad ay rerendahan din nila ang paggastos.
Mismo ngang gobyerno ay naghihigpit sa paggastos bunsod ng korupsyon sa flood control projects.
Gastusan pa naman ang buwan ng Disyembre dala ng Kapaskuhan kaya masigla ang ekonomiya. Hindi na ata ngayong taon.
Teka, baka hindi higpitan ng mga tao ang paggastos o pamimili dala ng ipatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang agarang price freeze sa lahat ng pangunahing bilihin kasunod ng deklarasyon ng state of national calamity dahil sa pinsalang dulot ng Typhoon Tino.
Epektibo ito sa loob ng 60 araw o hanggang bawiin ni Pangulong Marcos Jr. ang kautusan.
Nakikipag-ugnayan ang DTI sa mga implementing agency ng National Price Coordinating Council (NPCC) para maprotektahan ang mga konsyumer sa kritikal na panahon.
Ang DTI ay chairman ng NPCC.
Ang pagbabawal sa pagtataas ng presyo sa pamilihan ay ipinatutupad ng pamahalaan upang mapigilan ang pananamantala ng mga negosyante sa labis na pagpapataw ng mataas na presyo ng kanilang mga produkto – na labag sa Anti- Profiteering Law.
Ang siste, maayos ba na maipatutupad ang kautusan?
Walang tigil na nakikipagtulungan ang DTI sa mga manufacturer, retailer, at distributor upang masigurong may sapat na stock ng mga pangunahing pangangailangan at bilihin.
Walang tulugan, ah.
Baka naman, gawing alibi ng mga ahensya ang kakulangan ng tauhan na susubaybay at kung sumusunod ang mga negosyante sa bawal-taas presyo.
Oo nga, ang lahat ng DTI Regional at Provincial Offices ay naka-heightened alert at pinakilos upang ipatupad ang pagsunod sa price freeze at mapanatili ang sapat na suplay sa bansa, ngunit ang pinakamahalaga rito ay ang mahigpit na pagpapairal ng kautusan. Sitahin at patawan ng parusa ang lalabag. Walang sinisino, basta nagkasala, kesehodang may alas pang sinasandigan.
Bukod pala sa price freeze ay bawal din munang magbiyahe sa labas ng bansa ang governor, mayor at barangay captain kahit may nakatakda nang biyahe.
Ito ang tumpak na hakbang ng DILG.
Nga naman, paano masisigurong direktang mapangangasiwaan ng mga lokal na opisyal ang pagtugon at paghatid ng tulong sa kanilang nasasakupan kung sila’y namamasyal sa abroad.
Hindi katanggap-tanggap na habang binabayo ng kalamidad ang mga nasasakupan ay nasa ibang lupalop naman ang kanilang lider.
Sabagay, madali lang hilutin ang damdamin ng mga naiiwan. Kaya nga namimihasa ang mga tinatawag na lingkod-bayan e.
Nga pala, kabilang sa pangunahing pangangailangan na nasa listahan ng DTI ang de lata tulad ng sardinas, lokal na instant noodles, bottled water, tinapay, processed milk, kape, kandila, sabong panlaba, detergent, at asin.
Ang ilan sa listahan na ‘yan ay laman ng relief na pinamamahagi sa binagyong kabayan.
Kaso ang mga hindi bakwit ay tiyak walang mabibitbit.
67
