NANAWAGAN ng donasyon ng N95 masks ang Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) sa Batangas upang ipamahagi sa mga residenteng naapektuhan ng pagbuga ng sulfur dioxide (SO2) mula sa Bulkang Taal.
Ayon sa pahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), maaaring magbigay ng donasyon ng N95 mask sa LASAC’s headquarters sa St. Francis de Sales Major Seminary compound sa Lipa City.
Ang N95 masks ay magbibigay ng mainam na proteksyon at pansala sa particles na lubhang makasasama sa kalusugan ng mga tao.
Matatandang noong nakaraang Huwebes, nagbuga ng 13,572 toneladang sulfur dioxide (SO2) gas ang Bulkang Taal, ayon sa talaan ng Philippine Volcanology and Seismology o Phivolcs .
Nitong Agosto 14, wala ng naitalang volcanic earthquake mula sa bulkan habang may 3945 tonelada ang ibinugang sulfur dioxide na may upwelling ng mainit na volcanic fluids sa main crater lake, nagdulot ng vog, malakas na pagsingaw ng 2100 metrong taas at napadpad sa timog-timog-kanluran habang may bahagyang pamamaga ng TVI at Kanlurang Taal Caldera at pag-impis ng Silangang Taal Caldera.
Samantala, patuloy ang pagbabawal sa pagpasok sa Taal Volcano Island o TVI, lalo na sa main crater at Daang Kastila fissures, at pamamalagi sa lawa ng Taal, at paglipad ng ano mang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Ito ay sa kadahilanang maaaring maganap ang mga biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pagbuga ng nakalalasong gas sa paligid nito. (CYRILL QUILO)
