Apela ng abogado sa PNP-CIDG: ‘MISSING AFFIDAVIT’ SA KASO NG MGA SABUNGERO ILABAS

NANAWAGAN kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ang kampo ng isang pulis na isinasangkot sa kaso ng missing sabungeros na atasan ang CIDG na ilabas ang affidavit ng 12 testigo laban kay Julie ‘Dondon’ Patidongan.

Ayon kay Atty. Bernard Vitriolo, dapat isama ang affidavit na ito upang makumpleto at luminaw ang imbestigasyon ng DOJ sa isyu ng mga nawawalang sabungero.

Si Atty. Vitriolo ay legal counsel ni Police Senior Master Sergeant (PSMS) Joey Encarnacion na sinasabing may-ari ng palaisdaan na umano’y pinagtapunan ng mga labi ng mga sabungero.

Sa isang pulong balitaan sa QC, mahirap aniya na kalahati lang at iisang side lang ng istorya ang nalalaman ng korte sa kaso dahil hindi makakamit ng mga pamilya ng missing sabungeros ang tunay na hustisya.

“Umaapela ako na ilabas nila ang mga affidavit na iyan para mabatid ang katotohanan sa likod ng missing sabungero,” sabi pa ni Atty. Vitriolo.

Giit pa ng abogado, nagkaroon na rin ng imbestigasyon ang CIDG sa kaso ngunit hindi lahat ng lumabas sa imbestigasyon ay isinama sa case folder na isinumite sa DOJ.

Naniniwala si Atty. Vitriolo na makatutulong ang buong imbestigasyon na ito na maabswelto ang kanyang kliyente na si PSMS Encarnacion.

Malaki aniya ang posibilidad na maabswelto rin ang iba pang mga akusado dahil makikita sa kabuuan ng affidavit na tanging ang Patidongan brothers ang kumikilos na mistulang isang sindikato.

55

Related posts

Leave a Comment