HINILING ng mga empleyado ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kay Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin ang mga sinasabing pasok sa “mafia” na sangkot sa “malaganap na korapsyon” sa ahensiya.
Sa kanilang liham, binanggit ng pangulo ng PhilHealth Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (PhilHealth-WHITE) na si Maria Fe Francisco kay Duterte na ang
“PhilHealth-WHITE cannot be subservient to executives whose integrity is in question.”
“We call on President Duterte, to put in charge a caretaker who is an expert in the field of health insurance with proven integrity and incorruptibility – someone who is not himself or herself under investigation,” patuloy ni Francisco.
Labis ding umaasa ang PhilHealth-WHITE na matatanggal ang mga sangkot sa malaganap na korapsyon sa PhilHealth mula sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado.
Ipagpapatuloy ng Senado ang ikalawang araw ng imbestigasyon nito sa PhilHealth ngayong Agosto 11.
KAILAN SISIBAKIN?
Mistulang naiinip na rin ang mga militanteng mambabatas sa pagsibak sa mga opisyales ng PhilHealth dahil hanggang ngayon ay nakaupo pa rin umano ang mga ito kahit nalantad ang bagong anomalya.
Ayon kay ACT-Teacher party-list Rep. France Castro, nararapat lamang na alisin sa kanilang puwesto ang mga PhilHealth official habang iniimbestigahan ang anomalya sa ahensya subalit wala pang nasisibak sa mga ito.
“Kailangang alisin sila sa kanilang puwesto. Mula kay [PhilHealth President Ricardo] Morales pababa,” ani Castro.
Mahalaga aniya na alisin ang mga opisyales na ito upang hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon sa halip hintayin silang kusang mag-resign dahil hindi aniya ito mangyayari.
Ganito rin ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaya umapela ito kay Pangulong Rodrigo Duterte na alisin na muna sa kanilang puwesto sina Morales habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
MAY KARMA
Samantala, sinabi naman ni Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers na ‘totoo ang karma’ kung biglang magkasakit ang mga opisyal nito habang iniimbestigahan sa katiwalian.
“Ang irony d’yan, ‘yun mga opisyal ng PhilHealth na ang mandato ay pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan ay siya ngayon ang nahaharap sa isyu ng personal na kalusugan at isyu ng katiwalian sa kanilang pamamalakad…maituturing natin may karma kung ang mga paratang sa kanila ay lumabas na may katotohanan.
Kung makapaglalabas ng mabigat na mga ebidensya laban sa kanila,” ani Barbers.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng mga ulat na ang EVP at COO ng PhilHealth na si Arnel de Jesus ay may iniindang “multiple heart-related ailments” habang si Morales ay sasailalim umano sa cancer treatment kaya posibleng hindi makadalo sa mga susunod na pagdinig ng Senado at Kamara. (NELSON S. BADILLA/BERNARD TAGUINOD)
