UMAPELA si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor sa Metro Manila mayors na irekonsidera ang kanilang desisyon na ipagbawal ang outdoor exercise sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon sa mambabatas, hindi ‘reasonable’ ang ipagbawal ng Metro Manila mayors ang paglabas ng mga tao sa kanilang tahanan upang mag-exercise dahil kailangan nilang magpalakas ngayong panahon ng pandemya.
“There is no rhyme or reason or science in that prohibition. It is uncalled for and unreasonable. People, including the elderly, need to exercise even under the strictest of lockdowns because exercise boosts a person’s immunity against sickness,” ayon sa health advocate na si Defensor.
Sinabi ng mambabatas, mismong si Presidential Spokesman Harry Roque umano ang nag-anunsyo na pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) against the COVID-19 Pandemic, ang outdoor exercise tulad ng paglalakad, jogging at biking sa panahon ng ECQ.
Gayunpaman, puwedeng gawin lang ito ng mga tao sa loob ng kanilang komunidad o barangay at tiyakin na nasusunod ang health protocol tulad ng pagsusuit ng facemask at social distancing.
Mahalaga aniya ang mapalakas ng mga tao ang kanilang pisikal na pangangatawan at pag-iisip kaya hindi dapat ipagbawal na mag-exercise ang mga tao sa loob ng kanilang komunidad tulad ng subdivision.
“If the mayors’ resolution banning outdoor exercise were followed to the letter, Mayor Francis Zamora of San Juan, a biker, would be prohibited from biking around the Zamora’s residence in affluent Greenhills subdivision…Is that reasonable? Of course, it is not,” dagdag pa ni Defensor.
Maaaring ipatupad aniya ang desisyon ng Metro Manila mayors sa mga taong lalabas sa kanilang barangay o komunidad para mag-exercise at hayaan ang mga tao na maglakad, mag-jogging o magbisikleta dahil kailangan ito para sa kanilang physical and mental health.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil base umano sa testimonya ng mga nagkaroon ng COVID-19, nahihirapan ang mga ito na huminga kapag hindi iginalaw ang kanilang katawan.
Dagdag ni Defensor, sakali mang airborne ang Delta variant ng COVID-19, hindi basta mahahawa nito lalo na kung may suot na face mask at face shield at ipatutupad ang social distancing.
“This means that persons who can do walking, jogging or biking are most likely healthy citizens. They are not the virus, they are not carriers and they are not spreaders. The mayors have aimed at the wrong target. That is the problem with our pandemic response,” ani Defensor. (BERNARD TAGUINOD)
