HINILING ni Senador Kiko Pangilinan sa National Food Authority o NFA at sa mga lokal na pamahalaan na agad bilhin ang mga palay at iba pang ani ng mga magsasaka sa presyong makatarungan.
Sa gitna ito ng ulat na nabibili na lang ngayon sa halagang P13 kada kilo ang palay sa ibang mga lugar sa bansa.
Iginiit pa ni Pangilinan na hindi makatao, hindi makatarungan at lugi ang mga magsasaka dahil nasa P14-15 kada kilo ang gastos sa produksyon.
Hinikayat din ng senador ang mga lokal na pamahalaan na i-activate ang Sagip Saka Law na nagpapahintulot sa kanila na direktang bumili sa mga magsasaka at mangingisda nang walang public bidding.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na maaaring gamitin ang Sagip Saka Law sa pagbili ng pagkain para sa school feeding program, relief goods at iba pang suplay na kailangan ng gobyerno para magkaroon ng disenteng kita ang mga magsasaka.
Ibinabala pa ni Pangilinan na kung hindi kikilos ang gobyerno ay maaaring dumami ang mga titigil sa pagsasaka na maaaring maging banta sa food supply ng bansa.
Muli ring iminumungkahi ng senador ang pagkakaroon ng permanenteng buffer fund para maprotektahan ang mga magsasaka at ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng DA, NFA ar LGUs tuwing harvest season.
(DANG SAMSON-GARCIA)
