HINIKAYAT ni Senador Alan Peter Cayetano ang lahat ng persons deprived of liberty (PDL) kabilang ang mga nasa New Bilibid Prison na lumantad at isumbong sa awtoridad ang nalalaman nilang anomalya o pagpupuslit ng kontrabando sa loob ng piitan upang masawata ang anomang maling gawain.
Sa kanyang pagdalo sa selebrasyon ng National Correctional Consciousness Week sa Taguig City Jail kasabay ng kaarawan nito, sinabi ni Cayetano kailangan isumbong sa awtoridad ang anomang illegal na gawain upang hindi na muling mangyari ang katulad ng pagpaslang kay broadcaster Percy Lapid.
“Kung mayroon kayong nalalaman na mga maling aktibidad, gawain o impormasyon, dapat isumbong kaagad sa kinauukulan upang mapuksa kaagad,” ayon kay Cayetano.
Inihalimbawa ni Cayetano ang sinasabing pagkakapaslang sa middleman ng pumatay kay Lapid, hindi sana ito magsisilbing nakalista sa mga napatay o namatay sa loob ng kulungan kung naibahagi kaagad ang impormasyon sa awtoridad.
Bagama’t nababagalan si Cayetano sa proseso ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Lapid, kailangan na umanong lumantad kung sinuman ang may nalalaman upang malutas ang kaso o alinmang kasong nasasangkot ang hanay ng PDL.
Umaasa si Cayetano na makakamit ni Ka Percy ang katarungan at hindi ito mabibilang sa mahabang listahan ng unresolved cases sa ating bansa.
Nanawagan din ang Senado sa pulisya at Department of Justice (DOJ) na maging maingat sa pagbibigay ng impormasyon at detalye sa naturang kaso upang hindi malito ang taumbayan. (ESTONG REYES)
