Apela sa pulis, LGUs sa panghuhuli ng ECQ violators KARAHASAN SA KABATAAN, IWASAN – NOGRALES

SUPORTADO ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles ang panawagan ng children’s rights group sa mga pulis at local government units (LGUs) na huwag maging marahas sa kabataan na nahuhuli ng mga ito na lumalabag sa quarantine guidelines.

Tulad ni Nograles, nagpahayag ng pagkabahala ang Save the Childrens Philipppines sa iba’t ibang karahasan na nararanasan umano ng mga kabataan na nahuling hindi sumusunod sa quarantine protocols.

Inihalimbawa ng nasabing grupo ang kaso ng 13-anyos na binatilyo na pinagpapalo ng pulis sa Old Balara, Quezon City at maging ang tatlong kabataan sa Liliw, Laguna na nahuling namimitas ng mangga at pinaulit pa ng mga pulis ang kanilang ginawa.

“Nananawagan po tayo sa ating mga kapulisan at LGU workers na huwag maging marahas sa pakikitungo sa ating mga kabataan na nahuling lumabag sa quarantine rules. Hindi po dahas ang lunas sa kahit na anong problema,” ani Nograles.

Nilinaw ng mambabatas na kaya ipinatupad ang quarantine ay upang protektahan ang mga mamamayan kaya imbes na maging marahas ang mga otoridad sa mga ito ay dapat silang unawain.

“Mayroon po tayong malinaw na protocol lalo na pagdating sa mga kabataan na nahuling lumalabag sa quarantine. Malinaw na dapat diretso sa mga magulang o guardian ang mga bata. Hindi sa detention center. Hindi puwedeng pagbuhatan ng kamay. Hindi po kailangan ng interpretasyon pa ang mga ito,” ayon pa sa kongresista na Harvard-trained lawyer.

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang Joint Memorandum Circular na nilagdaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Council for the Welfare of Children ukol sa protocol sa paghawak sa kabataang nahuhuling lumabag sa quarantine.

“We are in touch with various volunteer lawyer groups for cases of abuse especially during quarantine. Kung nais po ninyong magreklamo, makipag-ugnayan lang po kayo sa amin,” ani Nograles na handa umanong makipagtulungan sa nasabing grupo para ipagtanggol ang kabataan na nakaranas ng marahas na trato sa mga pulis. BERNARD TAGUINOD

228

Related posts

Leave a Comment