APOLOGY NG DOH-RITM TINANGGAP NI YAP

Rep Eric Yap

BAGAMA’T mabigat umano sa kanyang puso dahil sa kanyang pinagdaanan sa loob ng dalawang araw, tinanggap ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap ang apology ng Department of Health (DOH)-Research Institute for Tropical Medicines (RITM) nang magkamali ang mga ito sa pag-encode sa resulta ng kanyang COVID-19 test.

“Inaamin ko, the past 48 hours has been very hard for me and to everyone around me. Hindi naging madali ito pero buong puso kong tinatanggap ang apology ng DOH-RITM,” ani Yap.

Ginawa ni Yap ang nasabing pahayag matapos linawin ng DOH-RITM na nagkamali sa pag-encode sa resulta ng kanyang test kaya imbes na negative ay positive ang unang inilabas ng nasabing ahensya.

Saka lang umano natuklasan ng Molecular Biology Laboratory (MBL) ng DOH-RITM ang pagkakamali kagabi, Marso 27 kaya agad na naglabas ng apology ang nasabing ahensya.

“No less than DR. Celia Carlos (hepe ng RITM) called me up to explain what happened. Naiintindihan ko, they are the busiest medical facility in the country right now. Its not an excuse pero normal na nagkakaroon ng pagkakamali sa dami at sa pressure na tinatanggap ng RITM ngayon,” ani Yap.

Magugunita na noong Marso 25, ay naglabas ng statement si Yap at inamin na positibo ang resulta ng kanyang test noong Marso 15 kaya humingi ito ng paumanhin lalo na’t dumalo ito sa pulong sa Malacanang noong Marso 21 at special session sa Kamara noong Marso 23.

Umapela ang mambabatas sa publiko na huwag kondenahin ang RITM dahil sa encoding lamang umano sila nagkamali at hindi sa pagbasa sa resulta ng kanyang test. BERNARD TAGUINOD

390

Related posts

Leave a Comment