ARAW-ARAW NA BAKLASAN SA MGA KANDIDATONG PASAWAY

IKINASA ng Commission on Elections (Comelec) ang araw-araw na pagbaklas sa mga illegal campaign materials ng mga pasaway na kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kahit araw-araw magkabit sa mga ipinagbabawal lugar ang mga kandidato ay araw-araw rin nilang babaklasin ang mga ito.

Nasampolan ng Oplan Baklas ng Comelec kahapon ng tanghali sa lungsod ng Maynila ang posters na nakakabit sa mga kawad ng kuryente at nakadikit sa poste ng Meralco.

Binaklas din ng Comelec ang mga mala-banderitas na posters na nasa sa ilalim ng LRT stations.

Ani Garcia, ipinagbabawal ito ng poll body dahil ito ay pampublikong lugar.

Gayunpaman, hindi naman nila gagalawin ang mga poster na nasa pribadong lugar kung ito ay pinapayagan ng may-ari.

Ang mga nabaklas na posters ay gagamiting ebidensya ng Comelec laban sa mga pasaway na kandidato.

Kaugnay nito, handa na ang iba’t ibang pwersa ng pamahalaan para sa BSKE ngayong October 30.

Kahapon, isinagawa ang sabayang send-off ceremony para sa mga security personnel na itatalaga sa halalan.

Nasa 715 Philippine National Police (PNP) contingents ang ipadadala sa mga lugar na tinututukan ng mga otoridad o mga nasa ilalim ng red category.

Nasa 250 naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) contingents na idedeploy, 100 Philippine Coast Guard (PCG) contingent at 90 Department of Education participants o kabuuang 1,155 personnel.

(RENE CRISOSTOMO/JESSE KABEL RUIZ)

217

Related posts

Leave a Comment