ARESTADO ng mga awtoridad, sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group RFU13 – Surigao del Sur, ang founder ng KAPA (Kabus Padatoon) Community Ministry International na si Pastor Joel Apolinario makaraan ang sagupaan sa isang resort sa Sitio Dahican, Brgy. Handamayan, sa bayan ng Lingig sa nabanggit na lalawigan.
Kabilang sa nadakip ng mga awtoridad sa operasyon, dakong alas-7:30 ng umaga nitong Martes, ang 23 nitong mga tauhan.
Inihayag ni P/Major Rennel Serrano, isinilbi ang search warrant bukod pa sa warrant of arrest laban kay Apolinario, ngunit humantong ito sa engkuwentro nang pumalag umano ang private army nito na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang hindi hindi pa nakilalang lalaki.
Isang nagngangalang Melecio Siano, isa sa mga tauhan ni Apolinario, ang dinala sa Bislig City District Hospital dahil sa tama ng bala sa kaliwang hita.
Nakumpiska mula sa grupo ang ilang matataas na kalibre ng armas katulad ng M60 machine gun at iba pang high powered firearms.
Iniulat din ni Serrano, mayroon pang mga naka-deploy na sniper si Apolinario sa itaas ng kaniyang bahay.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng mga tauhan mula sa RSOG-PRO13; SDSPPO, sa pangunguna ni P/Col. James Goforth, PD SDSPPO; Lingig MPS; 14th SAC, PNP-SAF; 1st SDSPMFC, RMFB 13; RIU 13 at Philippine Coast Guard, kaugnay sa kasong syndicated estafa na may criminal case No. R-CDO-20-00706-CR na iniyu ni Judge Gil Bollozos, presiding judge ng 10th Judicial Region, RTC, Branch 21 sa Cagayan de Oro City.
Walang inirekomendang piyansa si Judge Bollozos sa kaso ni Apolinario.
Samantala, ang search warrant naman ay dahil sa paglabag ng suspek sa Republic Act 9516 at Republic Act 10591 na inisyu ni Judge Shineta Tare Palacio, presiding judge ng 11th Judicial Region, RTC, Branch 41, Cantilan sa Surigao del Sur.
Samantala, ayon sa spot report mula sa tanggapan ng PNP regional director sa Reg. 13, kabilang sa mga armas na nakuha mula sa grupo ni Apolinario ang 30 units M16 rifle, 2 units M4 rifle, 1 unit Garand rifle, 3 units 60 caliber machine gun, 1 unit 50 caliber sniper rifle, 3 units caliber 22 rifle, 1 unit carbine, 1 unit shotgun, 2 units RPG, 5 units caliber .45 pistol at assorted ammunitions.”
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng CIDG RFU13 – Surigao del Sur sa insidente. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
