ASAWA NI VP SARA HUMIRIT NG TRO SA BIR RECORDS

NAGHAIN ng petisyon sa Quezon City Regional Trial Court ang asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases Carpio para humiling ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa subpoena sa kanilang tax records sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ito ang ibinunyag ni House Justice Committee member at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon matapos matanggap ang kopya ng petisyon.

Matatandaang ipinatawag ng komite si BIR Commissioner Charlito Mendoza upang isumite ang tax records ng mag-asawa mula 2007 hanggang 2025 bilang bahagi ng impeachment proceedings laban sa Pangalawang Pangulo.

Kabilang sa mga dokumentong hinihingi ang records ng iba’t ibang negosyo na may kaugnayan sa mag-asawa.

Ayon kay Ridon, hindi dapat hadlangan ang pagpapalabas ng mga dokumento dahil mahalaga ito sa pagtukoy kung may “unexplained wealth” at kung tugma ito sa kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

“Hindi maaaring manaig ang claims of privacy kung ito ay bahagi ng constitutional duty ng Kongreso sa impeachment,” paliwanag ni Ridon.

Giit pa niya, may kapangyarihan ang House Committee on Justice na mag-utos ng pagsusumite ng naturang mga dokumento bilang bahagi ng kanilang fact-finding at impeachment functions.

(TINA MENDOZA)

59

Related posts

Leave a Comment