SISIMULAN sa Abril 15 ang tatlong araw na malawakang tigil-pasada na ikinasa ng grupong MANIBELA bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Ayon kay MANIBELA Chairman Mar Valbuena, inaasahan nilang aabot sa 500,000 jeepney drivers, motorcycle taxis, at ride-hailing app drivers ang makikiisa sa kanilang tinawag na “transport holiday.”
Giit ng grupo, halos hindi na umano nakabubuhay ang kinikita ng mga tsuper dahil sa sunod-sunod na oil price hike.
“Makakabuhay po ba ng pamilya ito? Kaya po bang buhayin ng P150 hanggang P200 ang isang pamilya?” tanong ni Valbuena.
Isasabay sa tigil-pasada ang kilos-protesta sa isang gasolinahan sa Philcoa, Quezon City.
Ikinakasa ang transport strike sa gitna ng tumitinding global oil crisis dulot ng tensyon sa Middle East, kabilang ang pagharang sa Strait of Hormuz ba mahalagang ruta ng langis.
Tinuligsa rin ng MANIBELA ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Energy (DOE), na anila’y puro “band-aid solutions” lamang gaya ng fuel subsidy at service contracting na hindi pa rin umano ramdam ng marami.
Hiling ng grupo na ibalik sa P55 kada litro ang diesel, suspindihin ang excise tax sa petrolyo, at papanagutin ang mga opisyal na bigong kontrolin ang taas-presyo.
Hindi Napapanahon — Palasyo
Hindi naman sang-ayon ang Malakanyang sa planong transport strike, iginiit na hindi ito ang tamang panahon para magprotesta.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mas makabubuti ang dayalogo habang gumagawa ng hakbang ang pamahalaan para maibsan ang epekto ng oil price hike.
“Ang pagho-hold ng transport strike ay hindi napapanahon. Hindi ito makakatulong,” diin ni Castro.
Binanggit ng Palasyo na patuloy ang pagpapatupad ng fuel subsidies, cash assistance, at service contracting program para suportahan ang transport sector.
Tiniyak din na nakikinig si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hinaing ng mga tsuper at operator.
(JESSE RUIZ/CHRISTIAN DALE)
102 