LUNGSOD NG MALOLOS – Matapos ipahayag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora ang pagpapatupad ng pork ban mula sa Bulacan, Pampanga at Tarlac, tiniyak ni Gob. Daniel Fernando sa Bulacan consumers at sa mga nag-aalaga ng baboy na kontrolado na ang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan.
Magugunita na naglabas ang Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora ng Executive Order No. 35 nitong nakaraang Martes na pansamantalang nagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy at produktong baboy sa naturang lalawigan mula sa mga probinsya na may kaso ng ASF kabilang ang Bulacan, Pampanga at Tarlac mula Agosto 30, 2022 hanggang Setyembre 30, 2022.
Sa panayam kay Dr. Voltaire G. Basinang, head ng Provincial Veterinary Office, nagbunsod sa pork ban ang naitalang kaso ng ASF sa bayan ng Santa Maria nitong nakaraang Agosto 1 kung saan 10 baboy ang tinamaan.
Aniya, pinatay at ibinaon na ang mga affected hogs at kontrolado na ang virus sa lalawigan.
Binigyang diin niya na hindi makaaapekto ang pork ban sa mga Bulakenyong hog raiser.
Kaugnay nito, agad ipinag-utos ni Fernando ang mahigpit na pagbabantay sa mga babuyan at siniguro na gagawin ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga kinakailangang aksyon upang suportahan ang mga hog raiser sa lalawigan at tiniyak sa publiko na ligtas kainin ang mga produktong karne na nagmula sa Bulacan.
“Bilang punong lalawigan, nauunawaan ko ang desisyong inilabas ng Pamahalaang Lalawigan ng Aurora. Naiintindihan ko ang responsibilidad na protektahan ang kanilang nasasakupan at marahil ganoon din ang ating gagawin sa lalawigan. Bagaman wala pang tiyak na bakuna laban dito, walang dapat ipag-alala ang ating mga Bulakenyo hog raiser dahil sinisiguro ko na ang ating Pamahalaang Panlalawigan ay nangunguna sa pagsasagawa ng cleaning at disinfection sa bawat lungsod at munisipalidad upang mahigpit na mabantayan ang pagkalat pa nito,” anang gobernador.
Sa ngayon, wala pang ibang kaso ng ASF ang naitatala sa Bulacan at ilang babuyan na rin ang muling nagbukas ayon sa Provincial Veterinary Office. (ELOISA SILVERIO)
227
