AMINADO si Senador Raffy Tulfo na maraming mga Overseas Filipino Workers ang kadalasang nabibiktima ng pang-aabuso ng kanilang mga amo dahil sa kawalan ng epektibong screening process sa mga foreign employers.
Sinabi ni Tulfo na dumaraan sa butas ng karayom ang mga aplikanteng OFW sa pagsusumite ng iba’t ibang requirement at clearances.
Subalit ang mga employer ay hindi naman inoobligang magsumite ng anumang record na magpapakita kung anong uri ng amo ang mga ito.
Dahil dito, hinimok ni Tulfo ang Department of Migrant Workers na bumalangkas ng proper screening process upang mabigyan din ng proteksyon ang mga OFW.
Iginiit ng senador na marami nang OFW ang namatay sa kamay ng kanilang mga abusadong amo.
Binigyang diin din ng mambabatas ang kahalagahan ng pagtatatag ng isang epektibong monitoring system upang masubaybayan ng Migrant Workers Office ang OFWs sa iba’t ibang bansa.
Nais din ni Tulfo na bumalangkas ng bilateral agreements sa mga bansa kung saan maraming OFW ang naka-deploy at rebisahin ang mga nakaraang kasunduan na posibleng hindi na anya tugma sa kasalukuyang international labor standards. (DANG SAMSON-GARCIA)
