ASIA-OCEANIA OQT: MARCIAL PASOK NA RIN SA Q’FINALS

MULING ipinamalas ni middleweight Eumir Felix Marcial ang kanyang galing sa boksing nang gulpihin ang nakalabang Australian na si Kirra Ruston, 5-0,  sa kanilang preliminary bout  sa third day ng Asia-Oceania Olympic Qualifying Tournament sa Prince Hameh Hall sa Amman, Jordan.

“Ito ang matagal nang pangarap namin ng tatay ko, ang makapunta sa Olympics. Hindi ko na pakakawalan ito,“ saad ng muscular Air Force man na mula sa Zamboanga.

Bilang No. 1 seed sa middleweight division, nagkaroon siya ng bye sa unang bout at dahil sa panalo ay pasok na sa quarterfinals.

Sunod na makakaharap ni Marcial si Byamba Erdene-Otgonbaatar ng Mongolia, na naging profesional boxer noong nakaraang taon, bukas (Linggo).

“Eumir will be ready for him”, ayon kay Philippine team foreign consultant Don Abnett. “This is the best condition I’ve seen Marcial in. The five-week training camp in Thailand prior to this tournament boosted not only his physical state but his mental state as well.”

Samantala, namantsahan ang apat na magkakasunod na panalo ng Philippine boxing team, nang yumukod si James Palicte sa mas superior na Uzbek boxer na si Elnur Abduraimov, na World Championships bronze medalist, 5-0.

Maliban kay Marcial, panalo rin ang kapwa World champion na si featherweight Nesthy Petecio na dinomina si Krismi Lankapurayalage ng Sri Lanka, 5-0 sa ikalawang araw ng kompetisyon.

Sa Linggo din ang susunod na laban ni Petecio kay Japanese Sena Irie, kung saan ay 1-1 ang kanilang head-to-head record.

“Maganda ang kinikilos ni Nesthy ngayon. Last time sila nagkita sa World Championships, 4-1 ang panalo ni Nesthy sa kanya. Sila ang mag-adjust ngayon pero handa kami,” pahayag ni former Olympian Reynaldo Galido, na humalili bilang women’s head coach kay Nolito Velasco.

Nauna nang dinaig ni Pinay Riza Pasuit ang nakalabang Japanese na si Saya Hamamoto, 3-2, at tinalo ni Ian Clark Bautista ang Japanese opponent na si Hayato Tsutsumi, 3-2, sa unang araw ng torneo.

Pansamantalang namahinga kahapon ang koponan ngunit ngayon ay tuloy ang pakikipagbanatan nina Irish Magno, Carlo Paalam at Bautista para sa inaasam na tiket patungong Tokyo Olympics.

Kabuuang 221 boxers mula sa 35 mga bansa ang umaasang makakuha ng slot sa Tokyo Olympics sa Hulyo 24 sa Tokyo, Japan. (DENNIS INIGO)

125

Related posts

Leave a Comment