MAGDODOBLE lamang ang gawain at responsibilidad ng Games and Amusement Board (GAB) sa panukalang pagtatayo ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission.
Ito ang opinyon ni GAB Chairman Abraham Mitra sa panukalang pagtatatag ng bgong commission na mamamahala sa boksing at iba pang combat sports sa bansa.
“Natutugunan naman ng GAB ang lahat ng pangangailangan ng Pinoy boxers, gayundin ang iba pang professional athletes na nasa pangangasiwa ng ahensiya at maging sa aspeto ng seguridad, kalusugan at kabuhayan,” sabi ni Mitra.
“Hindi po nagpapabaya ang GAB sa responsibilidad na iyan. At pinalawig po namin ang mga programa nang kami po ay ma-appoint dito ni Pangulong Rodrigo Duterte,” dagdag niya sa pagdinig sa Senate Bills 191 at 805 ng Senate Committee on Sports na pinamumunuan ni Senator Bong Go.
Isinusulong nina Senators Manny Pacquiao at Bong Revilla na alisin sa GAB ang Boxing and Contact Sports Division.
“While we laud the initiative, feeling namin nagagawa na ang mga gustong gawin at ang mga gusto pang ipagawa sa amin. At maaari naman naming gawin basta maalalayan lang po kami ng konti,” giit ni Mitra.
Nakipagtambalan ang GAB sa Department of Health (DoH) para sa libreng medical at doping examination sa lahat ng mga atleta, gayundin sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa libreng dental examinations.
“Iyon pong medical aspect ay kasama na diyan ang libreng CT scan, MRI at lahat ng pangangailangan ng ating mga fighter. Sinisuguro po ng GAB na kailangang dumaan sa tamang medical examination ang ating mga atleta bago at pagkatapos lumaban. Hindi po kami nagbibigay ng lisensya sa ating mga atleta kung walang medical certificates,” giit ni Mitra.
Bunsod nito, pinarangalan ang GAB na ‘Commission of the Year’ ng pamosong World Boxing Council (WBC), pinakamalaking boxing organization sa mundo, noong 2017 WBC Convention sa Mexico.
“Iyon pong programa natin ay pinag-aralan pa ng WBC para maging template ng ibang kasaping bansa,” ayon sa GAB chair.
Sinabi ni Mitra na ang boxing ay isinama sa GAB sa kapangyarihan ng Executive Order No. 392 noong 1950 matapos buwagin ang Boxing and Wrestling Commission.
“For almost 69 years, GAB has been staying true to its mandate of regulating and supervising professional boxing,” wika nito.
Sa pamumuno ni Mita ay naisama rin ng GAB ang mga dating Pinoy champion sa nabibigyan ng tulong-pinansiyal sa pamamagitan ng WBC Trust Fund.
Maging ang Department of Budget and Management (DBM) ay nagpahayag na hindi kailangan ang bagong boxing commission dahil sa karagdagang budget na ilalaan dito.
Ang GAB ay may taunang budget na P123 milyon, habang ang Boxing Commission ay may panukalang budget na P150 milyon, bukod pa sa dagdag na personnel na pasasahurin ng pamahalaan. (DENNIS INIGO)
