ASTANG SUNDALO DINAMPOT SA SUKBIT NA BARIL

CAVITE – Swak sa kulungan ang lalaking umastang sundalo makaraang madakip dahil sa pagdadala ng baril sa Dasmariñas City noong Lunes ng hapon.

Nasa kustodiya na ng Dasmariñas Component City Police Station ang suspek na si alyas “Sherwin”, nasa hustong edad, nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang Dasmariñas CPS hinggil sa isang lalaki na “feeling militar” habang nakasuot ng camouflage sleeveless shirt, camouflage pants at itim na bonnet at pagala-gala sa Brgy. Paliparan II, Dasmariñas City bandang alas-12:00 ng hapon at tila may sukbit na baril sa kanyang beywang.

Sinita ito ng mga pulis at nang utusang itaas ang kanyang t-shirt ay napansin ang nakabukol sa baywang nito na nadiskubreng isang .45 kalibreng baril.

Hinanapan ng mga pulis ng dokumento sa hawak niyang baril ang suspek subalit walang maipakita dahilan upang siya ay arestuhin.

(SIGFRED ADSUARA)

155

Related posts

Leave a Comment