HIGIT 2K PAMILYANG NASUNUGAN INAYUDAHAN NG MANILA LGU

KABUUANG 2,184 pamilyang nasunugan sa Aroma Temporary Housing, Happy Land sa Tondo, Maynila ang nabigyan ng tulong pinansyal ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Dela Fuente, pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso at Vice Chi Atienza kasama ang iba pang kawani ng MDSW, ang pamamahagi ng tig-P15,000 bawat pamilya bilang agarang tulong para sa muling pagbangon ng mga naapektuhan ng malawakang sunog.

Hindi lamang pinansyal ang ipinamahagi ng pamahalaang lungsod kundi gayundin ang ready-to-eat food boxes.

Matagumpay na natapos ng MDSW ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa bawat pamilyang nasunugan dakong ala-una nitong Martes ng madaling araw.

Alas-8:30 ng gabi noong Sabado, Setyembre 13, nang sumiklab ang sunog sa Building 7, 12, at Gawad Kalinga Compound sa Happy Land, Barangay 105, Zone 8 na mabilis namang kumalat dahil pawang gawa sa light materials ang mga kabahayan, na umabot sa Task Force Bravo.

Pansamantala namang tumutuloy sa Barangay 105 Covered Court, Vicente Lim Elementary School, Barangay 101 Covered Court, at Antonio Villegas High School bilang evacuation sites, ang mga apektadong pamilya na nasunugan.

Agad naman nagpahatid ng mainit na pagkain at malinis na tubig-inumin ang MDSW sa mga nagsilbing evacuation center ng mga nasunugan at patuloy na sinisiguro na ang lahat ng serbisyo ay naipaabot nang maayos at nararapat sa bawat apektadong pamilya.

(JOCELYN DOMENDEN)

186

Related posts

Leave a Comment