KINONTRA ng isang mambabatas sa Kamara de Representantes ang paniniwala ni dating presidential spokesman Herminio ‘Harry’ Roque Jr. na pinalakas ng House Tri-Committee ang kanyang asylum bid sa The Netherlands dahil sa sinasabing ‘polvoron video’.
Sa imbestigasyon ng komite nitong Martes, isiniwalat ng dating kasamahan nina Roque na si Vicente Bencalo ‘Pebbles’ Cunanan na si Roque ang may pakana sa polvoron video na bahagi umano ng planong pabagsakin si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Itinanggi man ni Roque ang alegasyong ito, sa kabilang banda’y makakatulong umano ito sa kanyang asylum bid.
Dangan nga lang ay kinontra ito ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong: “Kung proving truth talagang siya mismo, that revelation in itself … it could really condemn, for example legally ha, in the case of the petition or the asylum that he is applying for in the Netherlands. Kasi parte siya doon sa pag-destabilize ng isang gobyerno.”
Sa testimonya ni Cunanan, kasama siya sa private dinner sa Hong Kong noong Hulyo 7, 2024 matapos ang Maisug rally kung saan pinag-usapan umano kung papaano ilalabas ang polvoron video na hawak umano ni Roque na nagsabing “Nagkamali sila, magaling akong magpagbasak ng gobyerno.”
Matapos ang dalawang linggo ay inilabas ang polvoron video sa Maisug rally sa Vancouver, Canada, isang araw bago ang 2024 State of the Nation Address (SoNA) ni Marcos.
Subalit mistulang sa halip na ikabahala ito ni Roque ay pinasalamatan pa nito ang Tri-Comm dahil lalong lumakas umano ang aplikasyon nito ng asylum dahil sa usaping ng ‘political prosecution’.
“Well, I don’t think, well, that’s his defense. But I don’t think the messaging, I mean the information that the revelation of Ms. Pebbles would add on to his defense or his application for an asylum,” ayon sa mambabatas.
Itinanggi din ng mambabatas na walang natatanggap na due process si Roque dahil mula nang ilabas ang arrest warrant laban sa kanya ay nagtago na ito sa iba’t ibang bansa hanggang sa magpakita ito sa Netherlands, kung saan nakakulong si dating pangulong Duterte dahil sa kasong crime against humanity.
(PRIMITIVO MAKILING)
