SA gitna ng mga ulat kaugnay ng kaliwa’t kanang modus ng mga sindikato gamit ang digital platform, inatasan ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang iba’t ibang revenue-generating agencies kabilang ang Bureau of Customs (BOC) na paigtingin ang mekanismo ng automated system bilang proteksyon laban sa mga hackers at iba pang banta ng mga cybercrime syndicates.
Sa isang pulong, hinimok din ni Dominguez ang mga kinatawan ng BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR) na tiyaking hindi mapapasok ng mga hackers at cybercriminals ang kani-kanilang web portals kung saan nakalagak ang mga sensitibong impormasyon ng pamahalaan.
Hindi aniya angkop na malagay sa alanganin ang mga ka-transaksyon ng gobyerno at maging mga empleyado ng mga nasabing tanggapan. Partikular na tinukoy ng Kalihim ang mga napaulat na cyberattacks sa dalawang higanteng bangko – ang Banco De Oro (BDO) na pag-aari ng bilyonaryong pamilyang Sy at Land Bank of the Philippines (LBP) na pag-aari ng gobyerno.
“Please make sure that your cybersecurity measures are up to date and effective against all sorts of threats,” pakiusap ni Dominguez sa mga kinatawan ng mga naturang kawanihan sa ginanap na pagpupulong ng DOF executive committee kamakailan.
“Please make sure that that’s up to date because apparently, it’s getting more and more prevalent,” dagdag pa niya.
Pagtitiyak naman ni Finance Undersecretary Antonette Tionko na nakatutok sa BOC at BIR bilang hepe ng Revenue Operations Group (ROG), na bahagi ng inilatag na modernisasyon sa BOC at BIR ang pagkakaroon ng isang maaasahan – subalit hindi kamahalang cyber-security system.
Bago pa man pumutok ang pandemya noong Marso ng taong 2020, inatasan na ni Dominguez si Tiongko at ang mga ahensyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng DOF na ipatupad ang kani-kanilang modernization programs sa hangaring tiyakin ang pagpasok ng angkop na kita sa gobyerno kasabay ng mas pinahusay na serbisyo sa publiko. (ANGEL F. JOSE)
302
