Atleta-sundalong Pinoy na bayani ng digmaan

PITUMPONG taon na sa ika-17 ng Hulyo 2021, nang parangalan ng Philippine Amateur Athletic Federation (PAAF) ang 52 dating pambansang atleta na nasawi sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Kabilang sa mga pinarangalang atleta ay siyam na Olympian na pinangunahan ng manlalangoy na si Teofilo Yldefonso, ang kauna-unahang Filipino at Southeast Asian na nakapag-uwi ng medalya (tanso) galing sa Olimpiyada noong 1928 edition sa Amsterdam.

Unang atletang Pinoy na kumatawan sa bansa sa ­Olimpiyada ay ang sprinter na si David Nepomuceno noong 1924 sa Paris.

May sukat na 33 x 24 na pulgada, ang commemorative plaque ay namalaging dekorasyon sa kaliwang bahagi ng harapan ng Rizal Memorial Basketball Coliseum sa loob ng mahigit kalahating siglo bago ito inilipat ng Philippine Sports Commission sa labas ng Coliseum ilang taon na ang nakalilipas.

Pagkatapos ng seremonya 70 taon na ang nakararaan, hindi na naulit ang paggunita sa kabayanihan ni Yldefonso at mga kasamang atleta, na matapos katawanin ang bansa sa iba’t ibang kompetisyong internasyonal ay lumaban hanggang kamatayan para mapalaya ang Pilipinas sa ­pananakop ng mga Hapon.

Kahit noong Biyernes, ika-9 ng Abril kung kailan ginunita ng bansa ang Araw ng Kagitingan, walang nabanggit kahit isang linya man lamang tungkol sa kabayanihan ng ­ating mga atletang sundalo na nagtaya ng kanilang buhay sa ­maraming labanan sa isport man o tunay na digmaan.

Ang PSC at ang Philippine Olympic Committee na dapat sana’y nanguna sa pag-alaala sa kanila ay kapwa naging pipi at bingi, marahil dahil sa wala silang kamuwang-muwang sa kabayanihan ng ating mga atleta.

Sa unang tingin, ang plake ay animo isang ordinaryong palatandaan ng arkitektura lang o mga pangalang responsable sa pagtatayo ng Coliseum.

Ang hindi alam ng ­maraming opisyal sa atin, si Yldefonso ang kaisa-isang Pilipinong nanalo ng dalawang sunod na Olympic medal. Matapos ang 1928 Olympics, noong 1932 edition sa Los Angeles ay naduplika niya ito.

Tatlong tanso ang napanalunan ng bansa sa L.A. Games, itinuturing na pinakamatagumpay na kampanya ng bansa sa Olimpiyada.
Maliban sa ipinagmamalaki ng Piddig, Ilocos Norte, panalo rin ng tansong medalya sina boxer Jose “Cely” Villanueva at high jumper Simeon Toribio.

Si Yldefonso ay nasawi sa kasumpa-sumpang Capas Concentration Camp sa Tarlac kasama ang libo-libong sundalong Filipino at Amerikano na nakipaglaban sa mga mananakop na Hapones sa Bataan.
(Susunod: Iba pang Bayaning Atletang Pinoy ng Digmaan)

171

Related posts

Leave a Comment